Ang Sermon ni Jacob

Pagalala

2 Nephi 9:39

Alalahanin na maging espirituwal.

O, mga minamahal kong kapatid, alalahanin ang kakila-kilabot na paglabag laban sa Banal na Diyos, at gayundin ang kakila-kilabot na pagbibigay-daan sa mga pang-aakit ng yaong tuso. Tandaan, ang maging mahalay sa kaisipan ay kamatayan, at ang maging espirituwal sa kaisipan ay buhay na walang hanggan.

2 Nephi 9:40

Alalahanin si Jesukristo.

O, mga minamahal kong kapatid, makinig sa aking mga salita. Alalahanin ang kadakilaan ng Banal ng Israel. Huwag sabihin na ako ay nagsasalita nang masasakit na bagay laban sa inyo; sapagkat kung gagawin ninyo ito, kayo ay manlalait laban sa katotohanan; sapagkat sinabi ko ang mga salita ng inyong Lumikha. Alam ko na ang mga salita ng katotohanan ay masakit laban sa lahat ng karumihan; ngunit ang mabubuti ay hindi natatakot sa mga yaon, sapagkat minamahal nila ang katotohanan at hindi nanginginig.

2 Nephi 9:41–43

Alalahanin na ang pagsunod kay Jesus ay ang tanging daan tungo sa Diyos.

O kung gayon, mga minamahal kong kapatid, lumapit sa Panginoon, sa yaong Banal. Pakatandaan na ang kanyang mga landas ay mabuti. Masdan, ang daan para sa tao ay makipot, ngunit ito’y nasa isang tuwid na daraanan sa harapan niya, at ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon; at walang ibang daan maliban sa pasukan; sapagkat hindi siya malilinlang, sapagkat Panginoong Diyos ang kanyang pangalan.

At ang sinumang kakatok, siya ay kanyang pagbubuksan; at ang matatalino, at ang marurunong, at silang mayayaman, na nagmamataas dahil sa kanilang pinag-aralan, at kanilang karunungan, at kanilang mga kayamanan—oo, sila yaong kanyang kinasusuklaman; at maliban kung kanilang iwawaksi ang mga bagay na ito, at ituturing na mga hangal ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at bumaba sa kailaliman ng pagpapakumbaba, hindi niya sila pagbubuksan. Ngunit ang mga bagay ng matatalino at masisinop ay ikukubli mula sa kanila magpakailanman—oo, yaong kaligayahang inihanda para sa mga banal.

2 Nephi 9:44

Alalahanin ang mga turong ito.

O, mga minamahal kong kapatid, pakatandaan ang aking mga salita. Masdan, hinuhubad ko ang aking mga kasuotan, at ipinapagpag ko ang mga ito sa harapan ninyo; ako ay dumadalangin sa Diyos ng aking kaligtasan na tingnan niya ako ng kanyang mapagsiyasat na mata; anupa’t malalaman ninyo sa huling araw, kung kailan ang lahat ng tao ay hahatulan sa kanilang mga gawa, na ang Diyos ng Israel ay sumaksing ipinagpag ko ang inyong mga kasamaan mula sa aking kaluluwa, at na ako ay makatatayo nang maningning sa harapan niya, at ako ay naalisan ng inyong dugo.

2 Nephi 9:45

Magsisi sa lahat ng mga kasalanan.

O, mga minamahal kong kapatid, talikuran ang inyong mga kasalanan; iwagwag ang mga tanikala niya na gagapos sa inyo nang mahigpit; lumapit sa yaong Diyos na siyang bato ng inyong kaligtasan.

2 Nephi 9:46

Maghanda para sa araw ng paghuhukom.

Ihanda ang inyong mga kaluluwa para sa maluwalhating araw na yaon, kung kailan ang katarungan ay igagawad sa mabubuti, maging ang araw ng paghuhukom, upang huwag kayong manliit nang may nakapanghihilakbot na takot; upang huwag ninyong maalaala ang inyong nakakikilabot na pagkakasala sa kaganapan, at mapilitang bumulalas:

Banal, banal ang inyong mga kahatulan, O Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan—ngunit alam ko ang aking pagkakasala; ako ay lumabag sa inyong batas, at ang mga kasalanan ko ay sa akin; at nakuha ako ng diyablo, na ako ay biktima ng kanyang nakapanghihilakbot na kalungkutan.

2 Nephi 9:47–48

Ang mga katuruang ito ay kinakailangan.

Ngunit masdan, mga kapatid ko, hindi ba’t kinakailangang kayo ay gisingin ko sa isang kakila-kilabot na katotohanan ng mga bagay na ito? Sasaktan ko ba ang inyong mga kaluluwa kung ang inyong mga isipan ay dalisay? Ako ba ay magiging matapat sa inyo alinsunod sa katapatan ng katotohanan kung kayo ay malaya sa kasalanan? Masdan, kung kayo ay banal mangungusap ako sa inyo ng kabanalan; ngunit yamang kayo ay hindi banal, at itinuturing ninyo akong isang guro, talagang kinakailangang turuan ko kayo ng kahihinatnan ng kasalanan.

2 Nephi 9:49–53

Si Jacob ay nasusuklam sa kasalanan, at pinayuhan ang mga tao na makibahagi sa kaligtasan ni Cristo.

Masdan, ang aking kaluluwa ay napopoot sa kasalanan, at ang aking puso ay nalulugod sa kabutihan; at pupurihin ko ang banal na pangalan ng aking Diyos. Halikayo, mga kapatid ko, bawat isa na nauuhaw, lumapit kayo sa mga tubig; at siya na walang salapi, halika bumili ka at kumain; oo, bumili ng alak at gatas nang walang salapi at walang bayad.

Samakatwid, huwag gugulin ang salapi sa mga yaong walang kabuluhan, o ang inyong paggawa sa mga yaong hindi nakasisiya. Makinig kayo nang masigasig sa akin, at tandaan ang mga salitang aking sinabi; at lumapit sa Banal ng Israel, at magpakabusog doon sa hindi nawawala, ni nasisira, at hayaang ang inyong kaluluwa ay malugod sa katabaan. Masdan, mga minamahal kong kapatid, pakatandaan ang mga salita ng inyong Diyos; patuloy na manalangin sa kanya sa araw, at magbigay-pasalamat sa kanyang banal na pangalan sa gabi. Magsaya ang inyong mga puso.

At masdan kaydakila ng mga tipan ng Panginoon, at kaydakila ng kanyang mga pagpapakababa sa mga anak ng tao;

2 Nephi 9:53–54

Pinuri ni Jacob ang kadakilaan ng Diyos sa pangangakong pangangalagaan ang kanyang mga tao.

At dahil sa kanyang kadakilaan, at kanyang biyaya at awa, kanyang ipinangako sa atin na ang ating mga binhi ay hindi lubusang malilipol, ayon sa laman, kundi kanyang pangangalagaan sila; at sa mga darating na salinlahi, sila ay magiging isang mabuting sanga sa sambahayan ni Israel.

At ngayon, mga kapatid ko, magsasalita pa ako sa inyo nang marami; ngunit sa kinabukasan ko na ipahahayag sa inyo ang nalalabi sa aking mga salita. Amen.