O kung gayon, mga minamahal kong kapatid, lumapit sa Panginoon, sa yaong Banal. Pakatandaan na ang kanyang mga landas ay mabuti. Masdan, ang daan para sa tao ay makipot, ngunit ito’y nasa isang tuwid na daraanan sa harapan niya, at ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon; at walang ibang daan maliban sa pasukan; sapagkat hindi siya malilinlang, sapagkat Panginoong Diyos ang kanyang pangalan.
At ang sinumang kakatok, siya ay kanyang pagbubuksan; at ang matatalino, at ang marurunong, at silang mayayaman, na nagmamataas dahil sa kanilang pinag-aralan, at kanilang karunungan, at kanilang mga kayamanan—oo, sila yaong kanyang kinasusuklaman; at maliban kung kanilang iwawaksi ang mga bagay na ito, at ituturing na mga hangal ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at bumaba sa kailaliman ng pagpapakumbaba, hindi niya sila pagbubuksan. Ngunit ang mga bagay ng matatalino at masisinop ay ikukubli mula sa kanila magpakailanman—oo, yaong kaligayahang inihanda para sa mga banal.