At ngayon ako, si Jacob, ay muling nangungusap sa inyo, mga minamahal kong kapatid, hinggil sa mabuting sangang ito na aking sinabi. Sapagkat masdan, ang mga pangakong ating natanggap ay mga pangako sa atin ayon sa laman; samakatwid, tulad ng ipinakita sa akin na marami sa ating mga anak ang masasawi sa laman dahil sa kawalang-paniniwala, gayunman, magiging maawain ang Diyos sa marami; at ang ating mga anak ay ibabalik, upang makarating sila sa mga yaong makapagbibigay ng tunay na kaalaman tungkol sa kanilang Manunubos.
Samakatwid, tulad ng nasabi ko sa inyo, talagang kinakailangan lamang na si Cristo—sapagkat sa nakaraang gabi ay sinabi sa akin ng anghel na ito ang magiging pangalan niya—ay paroroon sa mga Judio, sa mga yaong higit na masasama sa daigdig; at kanilang ipapako siya—sapagkat minarapat ito ng ating Diyos, at wala nang ibang bansa sa mundo na magpapako sa kanilang Diyos.
Sapagkat kung ang mga makapangyarihang himala ay gawin sa mga ibang bansa sila ay magsisisi, at kikilalanin na siya ang kanilang Diyos. Subalit dahil sa mga huwad na pagkasaserdote at mga kasamaan, sila na nasa Jerusalem ay patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa kanya, kaya nga siya ay ipapako sa krus. Samakatwid, dahil sa kanilang mga kasamaan, mga pagkalipol, taggutom, salot, at pagdanak ng dugo ay sasapit sa kanila; at sila na hindi malilipol ay ikakalat sa lahat ng bansa.
Subalit masdan, ganito ang wika ng Panginoong Diyos:
Kapag dumating ang araw na maniniwala sila sa akin, na ako ang Cristo, na nakipagtipan ako sa kanilang mga ama na sila ay ibabalik habang nasa laman, sa mundo, sa mga lupaing kanilang mana.
At ito ay mangyayari na sila ay titipunin sa matagal nilang pagkakakalat, mula sa mga pulo ng dagat, at mula sa apat na sulok ng mundo; at ang mga bansa ng mga Gentil ay magiging dakila sa aking paningin, wika ng Diyos, sa pagdadala sa kanila sa mga lupaing kanilang mana.
Oo, ang mga hari ng mga Gentil ay magiging mga tagakandiling ama sa kanila, at ang kanilang mga reyna ay magiging mga tagakandiling ina; anupa’t ang mga pangako ng Panginoon ay dakila sa mga Gentil, sapagkat sinabi niya ito, at sino ang makikipagtalo?