Ang Panahon ng Mga Jaredita

Si Jared at ang Kanyang Kapatid sa Napakalaking Tore

Eter 1:34

Sinabi ni Jared sa kanyang kapatid na magsumamo sa Panginoon na huwag baguhin ang kanilang wika.

At ang kapatid ni Jared na malaki at malakas na lalaki, at isang lalaking labis na pinagpala ng Panginoon, si Jared, na kanyang kapatid, ay nagsabi sa kanya:

Magsumamo ka sa Panginoon, na huwag niya tayong lituhin
nang hindi natin maunawaan ang ating mga salita.

Eter 1:35

Pinagkaloob ng Diyos kay Jared at sa kapatid ni Jared ang kanilang kahilingan, at ang kanilang wika ay hindi nabago.

At ito ay nangyari na, na ang kapatid ni Jared ay nagsumamo sa Panginoon, at ang Panginoon ay nahabag kay Jared; kaya nga hindi niya nilito ang wika ni Jared; at si Jared at ang kanyang kapatid ay hindi nalito.

Eter 1:36

Sinabihan ni Jared ang kanyang kapatid na manalangin muli, at hilingin na ang wika ng kanilang mga kaibigan at pamilya ay hindi rin mabago.

Pagkatapos sinabi ni Jared sa kanyang kapatid:

Muli kang magsumamo sa Panginoon, at kung maari ay alisin niya ang kanyang galit mula sa kanila na mga kaibigan natin, upang huwag niyang lituhin ang kanilang wika.

Eter 1:37

Ang kapatid ni Jared ay nanalangin, at ang kanyang kahilingan ay muling ipinagkaloob ng Panginoon.

At ito ay nangyari na, na ang kapatid ni Jared ay nagsumamo sa Panginoon, at ang Panginoon ay nahabag sa kanilang mga kaibigan at gayon din sa kanilang mga mag-anak, kung kaya’t hindi sila nalito.

Eter 1:38–39

Sinabi muli ni Jared sa kanyang kapatid na manalangin pa muli, upang itanong sa Panginoon kung sila ba ay palilikasin sa lupain, at kung sila nga, saan sila nararapat pumunta.

At ito ay nangyari na, na si Jared ay muling nangusap sa kanyang kapatid, sinasabing:

Humayo at magtanong sa Panginoon kung paaalisin niya tayo sa lupain, at kung paaalisin niya tayo sa lupain, magsumamo ka sa kanya kung saan tayo patutungo. At sino ang nakaaalam na hindi na hindi tayo dadalhin ng Panginoon sa isang piling lupain sa buong mundo? At kung magkagayon, tayo ay maging tapat sa Panginoon, upang matanggap natin ito bilang mana natin.

Eter 1:40–43

Sumunod ang kapatid ni Jared, at sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared na tipunin ang kanilang mga kaibigan, pamilya, at mga paghahayupan, at maglakbay sa isang lambak pahilaga—ang pangakong lupaing mana ay nakalaan para sa kanila.

At ito ay nangyari na, na dininig ng Panginoon ang kapatid ni Jared, at nahabag sa kanya, at sinabi sa kanya:

Humayo at sama-samang tipunin ang inyong mga kawan, kapwa lalaki’t babae, ng bawat uri; at ang mga binhi rin ng lupa ng bawat uri; at ang inyong mga mag-anak; at si Jared din na iyong kapatid at ang kanyang mag-anak; at gayon din ang inyong mga kaibigan at ang kanilang mga mag-anak, at ang mga kaibigan ni Jared at ang kanilang mga mag-anak.

At kapag nagawa mo na ito ay hahayo ka sa unahan nila pababa sa lambak na pahilaga. At doon kita katatagpuin, at ako ay hahayo sa harapan ninyo sa isang piling lupain sa lahat ng lupain sa mundo.At doon pagpapalain kita at ang mga binhi mo, at magbabangon para sa aking sarili sa iyong mga binhi, at sa mga binhi ng iyong kapatid, at sila na sasama sa iyo, ng isang dakilang bansa.

At hindi magkakaroon ng higit pa sa kadakilaan ng bansang aalagaan ko sa iyong mga binhi, sa balat ng lupa. At gayon ang gagawin ko sa iyo dahil sa mahabang panahong ito ay nagsumamo ka sa akin.