At ito ay nangyari na, na ang kapatid ni Jared ay humayo’t gumawa, at gayon din ang kanyang mga kapatid, at gumawa ng mga gabara alinsunod sa uri na kanilang nagawa na, alinsunod sa mga tagubilin ng Panginoon. At ang mga ito ay maliliit, at ang mga ito ay magagaan sa tubig, maging tulad ng gaan ng isang ibon sa tubig.
Ngayon, ang bilang ng mga sasakyang-dagat na inihanda ay walo.
At ang mga ito ay ginawa alinsunod sa uri na labis na mahigpit, maging sa ang mga ito ay makalalaman ng tubig tulad ng isang pinggan; at ang ilalim niyon ay mahigpit tulad ng isang pinggan; at ang gilid niyon ay mahigpit tulad ng isang pinggan; at ang mga dulo niyon ay patulis; at ang ibabaw niyon ay mahigpit tulad ng isang pinggan; at ang haba niyon ay ang haba ng isang punungkahoy; at ang pintuan niyon, kapag ito ay nakasara, ay mahigpit tulad ng isang pinggan.
At ito ay nangyari na, na ang kapatid ni Jared ay nagsumamo sa Panginoon, sinasabing:
O Panginoon, nagawa ko na ang gawaing iniutos ninyo sa akin, at nagawa ko na ang mga gabara alinsunod sa tagubilin ninyo sa akin. At masdan, O Panginoon, sa loob nito ay walang liwanag; paano kami mapapatnubayan? At kami ay masasawi rin, sapagkat sa loob nito ay hindi kami makahihinga, maliban lamang sa hangin na nasa loob nito; anupa’t kami ay masasawi.
At sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared:
Masdan, gagawa ka ng butas sa ibabaw, at gayon din sa ilalim; at kapag nangangailangan kayo ng hangin ay aalisin ninyo ang takip ng butas at makatatanggap ng hangin. At kung sakaling makapasok ang tubig sa inyo, masdan, tatakpan ninyo ang butas, upang hindi kayo mamatay sa baha.
At ito ay nangyari na, na ginawa nga ito ng kapatid ni Jared, alinsunod sa ipinag-utos ng Panginoon. At siya ay muling nagsumamo sa Panginoon, sinasabing:
O Panginoon, masdan ginawa ko maging ang iniutos ninyo sa akin; at inihanda ko ang mga sasakyang-dagat para sa aking mga tao, at masdan walang liwanag sa loob nito. Masdan, O Panginoon, pahihintulutan ba ninyong tawirin namin ang malawak na tubig na ito sa kadiliman?
At sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared:
Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat? Sapagkat masdan, hindi kayo maaaring maglagay ng mga bintana, sapagkat ang mga ito ay madudurog nang pira-piraso; ni hindi kayo maaaring magpaningas ng apoy, sapagkat hindi kayo hahayo sa pamamagitan ng liwanag ng apoy. Sapagkat masdan, kayo ay matutulad sa balyena sa gitna ng dagat; sapagkat ang mga malabundok na alon ay hahampas sa inyo.
Gayon pa man, muli ko kayong ilalabas mula sa kailaliman ng dagat; sapagkat ang mga hangin ay nanggagaling mula sa aking bibig, at gayon din ang mga ulan at ang mga baha ay aking ipinadala. At masdan, inihahanda ko kayo laban sa mga bagay na ito; sapagkat hindi kayo maaaring tumawid sa malawak na kailalimang ito maliban lamang kung ihahanda ko kayo laban sa mga alon ng dagat, at sa mga hanging umiihip, at sa bahang darating. Kaya nga ano ang nais mong ihanda ko para sa inyo upang kayo ay magkaroon ng liwanag kapag nilulon na kayo sa mga kailaliman ng dagat?