At ito ay nangyari na, na si Hertum ay nagharing kahalili ng kanyang ama. At nang si Hertum ay makapaghari na ng dalawampu at apat na taon, masdan, inagaw mula sa kanya ang kaharian. At siya ay nanilbihan ng maraming taon sa pagkabihag, oo, maging sa lahat ng nalalabi niyang mga araw
At isinilang sa kanya si Het, at si Het ay namuhay sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw. At isinilang kay Het si Aaron, at si Aaron ay namalagi sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Amnigadas, at si Amnigadas ay namalagi rin sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Coriantum, at si Coriantum ay namalagi sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Com.
At ito ay nangyari na, na nahimok ni Com palayo ang kalahati ng kaharian. At siya ay naghari sa kalahati ng kaharian ng apatnapu at dalawang taon; at siya ay nakidigma laban sa hari, na si Amgid, at sila ay naglaban sa loob ng maraming taon, kung saan ay nakakuha ng kapangyarihan si Com kay Amgid, at natamo ang kapangyarihan sa nalalabi pa sa kaharian.
At sa mga araw ni Com ay nagsimulang magkaroon ng mga tulisan sa lupain; at sinunod nila ang mga lumang plano, at inihayag ang mga sumpa alinsunod sa pamamaraan ng mga sinauna, at muling naghangad na wasakin ang kaharian. Ngayon, si Com ay labis na nakipaglaban sa kanila; gayon pa man, siya ay hindi namayani laban sa kanila.
At nagkaroon din ng maraming propeta sa mga araw ni Com, at iprinopesiya ang pagkalipol ng mga yaong makapangyarihang tao maliban kung sila ay magsisisi, at bumaling sa Panginoon, at talikdan ang kanilang mga pagpaslang at kasamaan. At ito ay nangyari na, na ang mga propeta ay itinakwil ng mga tao, at sila ay nagsitakas patungo kay Com upang mapangalagaan, sapagkat hinangad ng mga tao na patayin sila. At sila ay nagpropesiya ng maraming bagay kay Com; at siya ay pinagpala sa lahat ng nalalabi niyang mga araw. At siya ay nabuhay sa mainam na katandaan, at isinilang sa kanya si Siblom; at si Siblom ay nagharing kahalili niya.