At ito ay nangyari na, nang kanilang sama-samang matipon silang lahat, bawat isa sa hukbong nais niya, kasama ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak—kapwa kalalakihan, kababaihan at maliliit na bata na nasasandatahan ng mga sandata ng digmaan, may mga kalasag, at baluti sa dibdib, at baluti sa ulo, at nabibihisan alinsunod sa pamamaraan ng digmaan—sila ay humayo laban sa isa’t isa upang makidigma; at naglaban sila sa buong maghapon, at walang nagapi.
At ito ay nangyari na, nang sumapit ang gabi sila’y napagod, at nagpahinga sa kani-kanilang mga kuta; at matapos silang magpahinga sa kanilang mga kuta ay nagsipaghagulgol sila at nanaghoy dahil sa pagkawala ng mga napatay sa kanilang mga tao; at napakalakas ng kanilang mga panangis, ng kanilang mga hagulgol at pananaghoy, kung kaya’t niligalig nila nang labis ang buong kapaligiran.
At ito ay nangyari na, na sa kinabukasan sila ay muling humayo sa digmaan, at kasindak-sindak at kakila-kilabot ang araw na yaon; gayon pa man, walang nagapi, at nang muling sumapit ang gabi ay niligalig nila ang kapaligiran ng kanilang mga panangis, at kanilang mga hagulgol, at kanilang pagdadalamhati, dahil sa pagkawala ng mga napatay sa kanilang mga tao.
At ito ay nangyari na, na si Coriantumer ay muling sumulat ng isang liham kay Shiz, hinihiling na huwag na siyang muli pang humayo upang makidigma, kundi ang kunin niya ang kaharian, at huwag kitlin ang buhay ng mga tao. At masdan, ang Espiritu ng Panginoon ay tumigil na sa pamamatnubay sa kanila, at si Satanas ay may ganap nang kapangyarihan sa mga puso ng mga tao; sapagkat sila ay nagpadala sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa pagkabulag ng kanilang mga isipan upang sila ay malipol; anupa’t sila ay muling humayo upang makidigma.
At ito ay nangyari na, na buong araw silang naglaban, at nang sumapit ang gabi sila ay nagsitulog sa kanilang mga espada. At kinabukasan sila ay naglaban maging hanggang sa sumapit ang gabi.
At nang sumapit ang gabi sila ay nalango sa galit, maging tulad ng isang lalaking nalalango sa alak; at muli silang nagsitulog sa kanilang mga espada. At kinabukasan sila ay muling naglaban; at nang sumapit ang gabi silang lahat ay nagsibagsak sa pamamagitan ng espada maliban sa limampu at dalawa sa mga tao ni Coriantumer, at animnapu at siyam sa mga tao ni Shiz.
At ito ay nangyari na, na sila ay nagsitulog sa kanilang mga espada nang gabing yaon, at kinabukasan sila ay muling naglaban, at sila ay naglaban sa kanilang lakas sa pamamagitan ng kanilang mga espada at ng kanilang mga pananggalang, sa buong araw na yaon. At nang sumapit ang gabi ay may tatlumpu at dalawa sa mga tao ni Shiz, at dalawampu at pito sa mga tao ni Coriantumer.
At ito ay nangyari na, na sila ay kumain at natulog, at naghanda para sa kamatayan kinabukasan. At sila ay malalaki at malalakas na tao tulad ng lakas ng kalalakihan.
At ito ay nangyari na, na sila ay naglaban sa loob ng tatlong oras, at sila ay nawalan ng malay dahil sa kawalan ng dugo.
At ito ay nangyari na, nang makatanggap ang mga tauhan ni Coriantumer ng sapat na lakas upang sila ay makalakad, tatakas na sana sila para sa kanilang mga buhay; subalit masdan, si Shiz ay tumindig, at gayon din ang kanyang mga tauhan, at siya ay nanumpa sa kanyang kapootan na papatayin niya si Coriantumer o siya ay masasawi sa pamamagitan ng espada.
Anupa’t kanyang tinugis sila, at kinabukasan sila ay naabutan niya; at sila ay muling naglaban sa pamamagitan ng espada. At ito ay nangyari na, nang silang lahat ay nagbagsakan na sa pamamagitan ng espada, maliban kina Coriantumer at Shiz, masdan si Shiz ay nawalan ng malay dahil sa kawalan ng dugo.
At ito ay nangyari na, nang si Coriantumer ay humilig sa kanyang espada, nang siya ay nakapagpahinga nang kaunti, ay tinagpas niya ang ulo ni Shiz.
At ito ay nangyari na, na matapos niyang tagpasin ang ulo ni Shiz, na si Shiz ay bumangon sa kanyang mga kamay at bumagsak; at matapos na magpumilit na huminga, siya ay namatay.
At ito ay nangyari na, na si Coriantumer ay bumagsak sa lupa, at tila bagang wala na siyang buhay.
At ang Panginoon ay nangusap kay Eter, at sinabi sa kanya:
Humayo ka.
At humayo siya, at namasdan na ang lahat ng salita ng Panginoon ay natupad na; at tinapos niya ang kanyang talaan; (at ang ika-isandaang bahagi nito ay hindi ko isinulat) at ikinubli niya ito sa isang pamamaraan na natagpuan ito ng mga tauhan ni Limhi.
Ngayon ito ang mga huling salitang isinulat ni Eter:
Maging loobin man ng Panginoon na ako’y magbagong-anyo, o na danasin ko ang loobin ng Panginoon sa laman, ito’y hindi na mahalaga, kung maliligtas ako sa kaharian ng Diyos. Amen.