At ito ay nangyari na, nang matapos silang lahat magbigay-papuri kay Jesus, sinabi niya sa kanila: Masdan, ngayon ay natapos ko na ang kautusang iniutos ng Ama sa akin hinggil sa mga taong ito, na mga labi ng sambahayan ni Israel.
Natatandaan ninyo na winika ko sa inyo, at sinabi na sa panahon na ang mga salita ni Isaias ay matupad—masdan, yaon ay mga nakasulat, nasa harapan ninyo ang mga ito, kaya nga, saliksikin ninyo ang mga yaon—
At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na sa panahon na ang mga ito ay matupad, sa gayon yaon ang katuparan ng tipan na ginawa ng Ama sa kanyang mga tao, O sambahayan ni Israel.
At pagkatapos, ang mga labi, na malawakang ikakalat sa balat ng lupa ay titipunin mula sa silangan at mula sa kanluran, at mula sa timog at mula sa hilaga; at sila ay dadalhin sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, na siyang tumubos sa kanila.
At iniutos sa akin ng Ama na nararapat kong ibigay sa inyo ang lupaing ito, bilang inyong mana. At sinasabi ko sa inyo, na kung ang mga Gentil ay hindi magsisisi matapos ng pagpapalang kanilang tatanggapin, matapos nilang maikalat ang aking mga tao—
At pagkatapos kayo, na mga labi ng sambahayan ni Jacob,
ay magtutungo sa kanila;
at kayo ay mapapasagitna nila
na magiging marami;
At kayo ay mapapasama sa kanila
katulad ng isang leon sa mga hayop sa gubat,
at kagaya ng isang batang leon sa mga kawan ng tupa,
na kapag nakapasok, siya ay susunggaban
at pagluluray-lurayin,
at walang makapagliligtas.
Ang iyong mga kamay ay itataas sa iyong mga kaaway,
at ang lahat ng iyong mga kaaway ay lilipulin.
At aking titipuning sama-sama ang aking mga tao
katulad ng isang tao na nag-iipon ng kanyang mga bungkos sa sahig ng giikan.
Sapagkat gagawin ko ang aking mga tao
kung kanino nakipagtipan ang Ama,
oo, gagawin kong bakal ang iyong sungay,
at gagawin kong tanso ang iyong mga kuko.
At iyong luluray-lurayin ang maraming tao;
at aking ilalaan ang kanilang pakinabang sa Panginoon,
at ang kanilang kabuhayan sa Panginoon ng buong mundo.
At masdan, ako ang siyang gagawa nito.
At ito ay mangyayari, wika ng Ama, na ang espada ng aking katarungan ay nakaumang sa ulunan nila sa araw na yaon; at maliban kung sila ay magsisisi, ito ay babagsak sa kanila, wika ng Ama, oo, maging sa lahat ng bansa ng mga Gentil.
At ito ay mangyayari na aking itatatag ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel. At masdan, aking itatatag ang mga taong ito sa lupaing ito, sa ikatutupad ng tipang aking ginawa sa inyong amang si Jacob; at ito ay magiging isang Bagong Jerusalem. At ang kapangyarihan ng langit ay mapapasagitna ng mga taong ito; oo, maging ako ay mapapasagitna ninyo.
Masdan, ako ang siyang sinabi ni Moises, sinasabing:
Ang Panginoon ninyong Diyos ay magbabangon sa inyo ng isang propeta sa inyo na inyong mga kapatid, na tulad sa akin; siya ang inyong diringgin sa lahat ng bagay kung anuman ang sasabihin niya sa inyo. At ito ay mangyayari na ang bawat taong hindi makikinig sa propetang yaon ay ihihiwalay mula sa mga tao.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, oo, at lahat ng propeta mula kay Samuel at sa mga yaong sumunod, kasindami ng nagsalita, ay nagpatotoo sa akin. At masdan, kayo ang mga anak ng mga propeta; at kayo ay sa sambahayan ni Israel; kayo ay sakop ng tipang ginawa ng Ama sa inyong mga ama, na sinasabi kay Abraham:
At sa iyong binhi lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain.
Ang Ama na ibinangon akong una sa inyo, at isinugo ako upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa kanyang mga kasamaan; at ito ay dahil sa kayo ay mga anak ng tipan—
At matapos na kayo ay pagpalain ay tutuparin ng Ama ang tipang ginawa niya kay Abraham, sinasabing:
Sa iyong binhi ang lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain—sa pagbubuhos ng Espiritu Santo sa pamamagitan ko sa mga Gentil, kung aling mga pagpapala sa mga Gentil ay gagawin silang makapangyarihan sa lahat, hanggang sa pagkakalat ng aking mga tao, O sambahayan ni Israel. At sila ay magiging panghagupit sa mga tao sa lupaing ito.
Gayunman, kung kanilang matanggap ang kabuuan ng aking ebanghelyo, at kung kanilang patitigasin ang kanilang mga puso laban sa akin ay ibabalik ko ang kanilang mga kasamaan sa kanilang sariling mga ulo, wika ng Ama. At aking aalalahanin ang tipang ginawa ko sa aking mga tao; at ako ay nakipagtipan sa kanila na sila ay titipunin kong magkakasama sa aking sariling takdang panahon, na ibibigay ko sa kanilang muli ang lupain ng kanilang mga ama para sa kanilang mana, na lupain ng Jerusalem, na lupang pangako para sa kanila magpakailanman, wika ng Ama.