At ito ay nangyari na, nang matapos na si Jesus sa mga pananalitang ito, hinawakan niya ng kanyang kamay ang mga disipulo na kanyang pinili, isa-isa, maging hanggang sa mahawakan niya silang lahat, at nagsalita sa kanila habang kanyang hawak sila. At hindi narinig ng maraming tao ang mga salitang kanyang winika, kaya nga, hindi sila nakapagpatotoo; ngunit ang mga disipulo ay nagpatotoo na kanyang ibinigay sa kanila ang kapangyarihan na magkaloob ng Espiritu Santo. At ipakikita ko sa inyo pagkaraan nito na ang patotoong ito ay totoo.
At ito ay nangyari na, nang matapos mahawakan silang lahat ni Jesus, ay nagkaroon ng ulap at lumilim sa maraming tao kung kaya’t hindi nila makita si Jesus. At habang sila ay nalililiman, siya ay lumisan mula sa kanila, at umakyat sa langit. At nakita ng mga disipulo at nagpatotoo na siya ay muling umakyat sa langit.
At ngayon ito ay nangyari na, nang si Jesus ay nakaakyat na sa langit, ang maraming tao ay naghiwa-hiwalay, at ang bawat lalaki ay ipinagsama ang kanyang asawa at mga anak at nagsibalik sa kani-kanilang sariling tahanan. At ito ay maingay na kumalat kaagad sa mga tao, bago pa nagdilim, na nakita ng maraming tao si Jesus, at siya ay naglingkod sa kanila, at muli siyang magpapakita kinabukasan sa maraming tao.
Oo, at maging sa buong magdamag ay maingay na kumalat ang hinggil kay Jesus; at hanggang sa sila ay nagpasabi sa mga tao kung kaya’t marami, oo, lubhang napakalaki ng bilang, ang nagpagal nang labis sa buong magdamag na yaon, upang sa kinabukasan sila ay naroroon sa pook kung saan ipinakita ni Jesus ang sarili sa maraming tao.