At masdan, ang kalangitan ay nabuksan, at sila ay napasalangit, at nakakita at nakarinig ng mga bagay na hindi maaaring bigkasin.
At iyon ay ipinagbawal sa kanila na kanilang bigkasin; ni hindi rin sila binigyan ng kapangyarihan na mabigkas nila ang mga bagay na kanilang nakita at narinig;
At kung sila man ay nasa katawan o wala sa katawan, hindi nila masabi; sapagkat tila bagang sa kanila, ito ay mistulang pagbabagong-anyo nila, na sila ay nabago mula sa katawang laman tungo sa kalagayang walang kamatayan, kaya’t kanilang nagawang mamasdan ang mga bagay ng Diyos.
Ngunit ito ay nangyari na, na sila ay muling nangaral sa balat ng lupa; gayunpaman, hindi sila nangaral ng mga bagay na kanilang narinig at nakita, dahil sa kautusang ibinigay sa kanila sa langit.
At ngayon, kung sila man ay may kamatayan o walang kamatayan, mula sa araw ng kanilang pagbabagong-anyo, hindi ko alam; Ngunit ito lamang ang nalalaman ko, alinsunod sa talaang ibinigay—sila ay humayo sa ibabaw ng lupain, at naglingkod sa lahat ng tao, pinagbubuklod ang kasindami ng naniwala sa kanilang pangangaral sa simbahan; binibinyagan sila, at kasindami ng nabinyagan ay tumanggap ng Espiritu Santo.
At sila ay itinapon sa bilangguan nila na hindi kabilang sa simbahan. At ang mga bilangguan ay hindi makapigil sa kanila, sapagkat ang mga yaon ay nahati sa dalawa. At inihulog sila sa lupa; ngunit kanilang tinigatig ang lupa ng salita ng Diyos, kung kaya’t sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan sila ay nakalaya sa kailaliman ng lupa; at dahil dito sila ay hindi makahukay ng mga balon na sapat upang pumigil sa kanila.
At tatlong ulit silang inihagis sa hurno at hindi nasaktan. At dalawang ulit silang inihagis sa lungga ng mababangis na hayop; at masdan, sila ay nakipaglaro sa mga hayop tulad ng isang musmos sa pasusuhing kordero at hindi nasaktan.
At ito ay nangyari na, na sa ganoon sila humayo sa lahat ng tao ni Nephi, at ipinangaral ang ebanghelyo ni Cristo sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupain; at sila ay nagbalik-loob sa Panginoon, at sumapi sa simbahan ni Cristo, at sa gayon pinagpala ang mga tao ng salinlahing yaon, alinsunod sa mga salita ni Jesus.