At ngayon ito ay nangyari na, na ako, si Enos, ay humayo sa mga tao ni Nephi, nagpopropesiya ng mga bagay na darating, at nagpapatotoo sa mga bagay na aking narinig at nakita.
At ako ay nagpapatotoo na ang mga tao ni Nephi ay buong sigasig na nagsikap upang mapanumbalik ang mga Lamanita sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Ngunit ang aming mga pagpapagal ay nawalan ng saysay; ang kanilang poot ay di matinag, at sila ay naakay ng kanilang likas na kasamaan kaya nga’t sila ay naging mababangis, at malulupit, at mga taong uhaw sa dugo, puno ng pagsamba sa diyus-diyusan at karumihan; nabubusog sa mga hayop na maninila; nananahanan sa mga tolda, at gumagala sa ilang na may isang maigsing bigkis na balat sa kanilang mga balakang at ang kanilang mga ulo ay ahit; at ang kanilang kahusayan ay sa pana, at sa simitar at sa palakol. At karamihan sa kanila ay hindi kumakain maliban sa ito ay hilaw na karne; at sila ay patuloy na naghahangad na lipulin kami.
At ito ay nangyari na, na ang mga tao ni Nephi ay nagbungkal ng lupa, at nagtanim ng lahat ng uri ng butil, at bungang-kahoy, at mga kawan ng mga hayop, at mga kawan ng lahat ng uri ng baka, at mga kambing, at maiilap na kambing, at gayundin ng maraming kabayo. At lubhang maraming propeta sa amin. At ang mga tao ay mga taong matitigas ang leeg, mahirap makaunawa.
At wala nang ibang bagay maliban sa karahasan, pangangaral at pagpopropesiya ng mga digmaan, at mga alitan, at mga pagkawasak, at patuloy na pagpapaalaala sa kanila ng kamatayan, at ng tagal ng kawalang-hanggan, at ng mga hatol at ng kapangyarihan ng Diyos, at lahat ng bagay na yaon—patuloy na pinupukaw sila upang manatili sila sa pagkatakot sa Panginoon. Sinasabi ko na walang kulang sa mga bagay na ito, at labis na malaking kalinawan ng pananalita, ang mag-aadya sa kanila mula sa mabilis na pagbaba sa pagkalipol. At ayon sa ganitong pamamaraan, ako ay sumulat hinggil sa kanila. At nakita ko ang mga digmaang namagitan sa mga Nephita at Lamanita sa paglipas ng aking mga araw.
At ito ay nangyari na, na ako ay nagsimulang tumanda, at isandaan at pitumpu at siyam na taon na ang lumipas mula sa panahon na ang aming amang si Lehi ay lumisan sa Jerusalem. At nadama ko na sa madaling panahon ako ay bababa na sa aking libingan, na naatasan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na ako ay kailangang mangaral at magpropesiya sa mga taong ito, at ipahayag ang salita alinsunod sa katotohanan na na kay Cristo. At ipinahayag ko iyon sa lahat ng aking mga araw, at nagsaya sa mga iyon nang higit sa anupaman sa daigdig.
At ako sa madaling panahon ay tutungo sa pook ng aking kapahingahan, kung saan ko makakasama ang aking Manunubos; sapagkat alam ko na sa kanya ako ay magkakaroon ng pamamahinga. At ako ay magsasaya sa araw na ang aking pagiging may kamatayan ay mabibihisan ng kawalang-kamatayan, at tatayo sa kanyang harapan; sa gayon, makikita ko ang kanyang mukha nang may katuwaan, at sasabihin niya sa akin:
Lumapit ka sa akin, ikaw na pinagpala,
may isang pook na inihanda para sa iyo
sa mga mansiyon ng aking Ama. Amen.