At makaraang kami ay maglakbay sa loob ng maraming araw ay itinayo namin ang aming mga tolda. At ninais ng aking mga tao na tawagin namin ang pook sa pangalang Nephi; kaya nga, tinawag namin itong Nephi.
At lahat silang sumama sa akin ay tinaglay sa kanilang sarili ang taguring mga tao ni Nephi. At aming pinagsikapang sundin ang mga kahatulan, at ang mga batas, at ang mga kautusan ng Panginoon sa lahat ng bagay, alinsunod sa mga batas ni Moises.
At ang Panginoon ay sumaamin; at kami ay labis na umunlad; sapagkat naghasik kami ng binhi, at muli kaming umani nang masagana. At kami ay nagsimulang mag-alaga ng mga kawan ng tupa at baka, at mga hayop na iba’t ibang uri.
At ako, si Nephi, ay dinala rin ang mga talaang nakaukit sa mga laminang tanso; at gayon din ang bola, o aguhon, na inihanda para sa aking ama ng kamay ng Panginoon, alinsunod sa nasusulat.
At ito ay nangyari na, na kami ay nagsimulang umunlad nang labis, at dumami sa lupain.
At ako, si Nephi, ay kinuha ang espada ni Laban, at alinsunod sa pagkakagawa nito ay gumawa ng maraming espada, baka sa anumang paraan ang mga tao na ngayon ay tinatawag na mga Lamanita ay sumalakay sa amin at kami ay lipulin; sapagkat nalalaman ko ang pagkapoot nila sa akin at sa aking mga anak at sa kanila na tinatawag na aking mga tao.
At tinuruan ko ang aking mga tao na magtayo ng mga gusali, at kayarian ng lahat ng uri ng kahoy, at ng bakal, at ng tanso, at ng asero, at ng ginto, at ng pilak, at ng mahahalagang inang mina, na lubhang napakarami.
At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay pinapangyaring maging masisipag ang aking mga tao, at gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.
At ako, si Nephi, ay nagtayo ng templo; at ito ay itinayo ko alinsunod sa pagkakayari ng templo ni Solomon maliban sa ito ay hindi niyari sa maraming mahalagang bagay; sapagkat ang mga ito ay hindi matatagpuan sa lupain, kaya nga, ito ay hindi mayayari na katulad ng templo ni Solomon. Datapwat ang paraan ng pagkakagawa ay katulad ng templo ni Solomon; at ang pagkakayari niyon ay labis na mahusay.
At ito ay nangyari na, na ninais nilang ako ang kanilang maging hari. Datapwat ako, si Nephi, ay naghangad na huwag silang magkaroon ng hari; gayunpaman, ginawa ko para sa kanila ang alinsunod sa kapangyarihan na nasa akin.
At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay itinalaga sina Jacob at Jose, na maging mga saserdote at guro sila sa lupain ng aking mga tao. At ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya. At lumipas ang tatlumpung taon mula sa panahong nilisan namin ang Jerusalem.