Mga Lehites sa Jerusalem at Arabia

Ang Huling Pagtatangkang Kunin Ang Mga Laminang Tanso

1 Nephi 4:1–3

Si Nephi, na naglalagay ng kanyang tiwala sa Panginoon, ay hinikayat ang kanyang mga kapatid na lalaki na maniwala sa anghel at bumalik.

At ito ay nangyari na, na ako ay nangusap sa aking mga kapatid, sinasabing:

Tayo nang umahon muli sa Jerusalem, at tayo ay maging matapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon; sapagkat masdan, siya ay higit na makapangyarihan kaysa lahat ng sangkatauhan, kung gayon bakit hindi siya magiging higit na makapangyarihan kaysa kay Laban at sa kanyang limampu, oo, maging sa kanyang sampu-sampung libo?

Samakatwid tayo nang umahon; maging malakas tayong katulad ni Moises; sapagkat siya ay tunay na nangusap sa tubig ng Dagat na Pula at yaon ay nahati nang dito at doon, at ang ating mga ama ay nakatawid at nakalaya mula sa pagkabihag, sa tuyong lupa, at ang mga hukbo ni Faraon na sumunod sa kanila ay nangalunod sa tubig ng Dagat na Pula.

Ngayon masdan, alam ninyo na ito ay totoo; at alam din ninyo na isang anghel ang nangusap sa inyo; kung gayon, mag-aalinlangan pa ba kayo? Umahon na tayo; ang Panginoon ay kaya tayong iligtas, maging kagaya ng ating mga ama, at patayin si Laban, maging katulad ng mga taga-Egipto.

1 Nephi 4:4

Si Laman at Lemuel ay hindi masaya na marinig ito, ngunit sumang-ayon na bumalik kasama si Nephi sa kabila ng kanilang mga pagdududa.

Ngayon, nang sabihin ko ang mga salitang ito, sila ay galit pa rin, at nagpatuloy na bumulung-bulong; gayunman, sumunod sila sa akin hanggang sa kami ay makarating sa labas ng mga pader ng Jerusalem.

1 Nephi 4:5–6

Sumapit ang gabi; si Nephi ay nagsabi sa kanyang mga kapatid na lalaki na magtago habang siya ay pupunta upang magsiyasat.

At noon ay gabi; at pinapagtago ko sila sa labas ng mga pader. At matapos nilang maitago ang sarili, ako, si Nephi, ay gumapang na papasok sa lunsod at nagtungo sa tahanan ni Laban. At ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin.

1 Nephi 4:7–8

Habang siya ay nalalapit sa bahay ni Laban, si Nephi ay nakasumpong ng isang lalaking lasing na nakabulagta sa kalye. Ito ay si Laban.

Gayunman, ako ay yumaon, at habang ako ay papalapit sa tahanan ni Laban ay namasdan ko ang isang tao, at siya ay nakabulagta sa lupa sa harapan ko, sapagkat siya ay lango sa alak. At nang ako ay lumapit sa kanya ay natuklasan ko na siya si Laban.

1 Nephi 4:9

Napansin ni Nephi ang espada ni Laban.

At namasdan ko ang kanyang espada, at hinugot ko ito sa kaluban niyon; at ang puluhan niyon ay lantay na ginto, at ang pagkakayari niyon ay lubhang napakainam, at nakita ko na ang talim niyon ay yari sa natatanging asero.

1 Nephi 4:10

Ang Espiritu ay nagsabi kay Nephi na patayin si Laban.

At ito ay nangyari na, na ako ay pinilit ng Espiritu na dapat kong patayin si Laban;...

1 Nephi 4:10

Si Nephi, na nabigla sa utos, ay hindi ginustong patayin ang sinuman.

...datapwat winika ko sa aking puso:

Kailanman ako ay hindi nagpadanak ng dugo ng tao.

At ako ay nanliit at ninais na huwag ko siyang patayin.

1 Nephi 4:11–13

Tiniyak ng Espiritu kay Nephi na ang kamatayan ni Laban ay kinakailangan.

At ang Espiritu ay muling nangusap sa akin:

Masdan ibinigay siya ng Panginoon sa iyong mga kamay.

Oo, at alam ko ring hinangad niyang kitlin ang aking buhay; oo, at ayaw niyang makinig sa mga kautusan ng Panginoon; at kanya ring kinuha ang aming ari-arian.

At ito ay nangyari na, na ang Espiritu ay muling nangusap sa akin:

Patayin mo siya, sapagkat ibinigay siya ng Panginoon sa iyong mga kamay; Masdan pinapatay ng Panginoon ang masasama upang maisagawa ang kanyang mga banal na layunin. Higit na mabuting masawi ang isang tao kaysa ang isang bansa ay tuluyang manghina at masawi sa kawalang-paniniwala.

1 Nephi 4:14–17

Pinagisipan ni Nephi ang mga bagay, at inalala ang kahalagahan ng mga talaang yaon.

At ngayon, nang ako, si Nephi, ay marinig ang mga salitang ito, naalaala ko ang mga salita ng Panginoon na winika niya sa akin sa ilang, sinasabing:

Habang ang iyong mga binhi ay sumusunod sa aking mga kautusan,
sila ay uunlad sa lupang pangako.

Oo, at naisip ko ring hindi nila masusunod ang mga kautusan ng Panginoon alinsunod sa mga batas ni Moises, maliban kung nasa kanila ang mga batas. At alam ko rin na ang mga batas ay nakaukit sa mga laminang tanso. At muli, alam kong ibinigay ng Panginoon si Laban sa aking mga kamay para sa layuning ito—upang mapasaakin ang mga talaan alinsunod sa kanyang mga kautusan.

1 Nephi 4:18

Sinusunod ang mga utos ng Espiritu, Pinugutan ni Nephi si Laban.

Samakatwid, sinunod ko ang tinig ng Espiritu, at hinawakan ko si Laban sa buhok, at tinagpas ko ang kanyang ulo ng sarili niyang espada.