Ang Pangitain ni Nephi

Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo

1 Nephi 13:30–32

Sinabi ng anghel na ang Diyos ay hindi naghahangad na ang kanyang mga tao ay mapunta sa kalagayan ng kabuktutan.

Gayon pa man, namamasdan mo na ang mga Gentil na nagsitakas sa pagkabihag, at pinahalagahan sa lahat ng iba pang bansa ng kapangyarihan ng Diyos, sa ibabaw ng lupaing pinili sa lahat ng iba pang lupain, na lupaing tinipan ng Panginoong Diyos sa iyong ama na tatanggapin ng kanyang mga binhi bilang kanilang lupaing mana; samakatwid, nakita mong hindi pahihintulutan ng Panginoong Diyos na lubusang malipol ng mga Gentil ang pagkakahalo ng iyong mga binhi, na nasa inyong mga kapatid. Ni hindi niya pahihintulutang lipulin ng mga Gentil ang mga binhi ng iyong mga kapatid.

Ni hindi pahihintulutan ng Panginoong Diyos na ang mga Gentil ay manatili magpakailanman sa kakila-kilabot na kalagayan ng pagkabulag, na iyong napagmasdan na kanilang kinasadlakan, dahil sa malilinaw at pinakamahahalagang bahagi ng ebanghelyo ng Kordero na ipinagkait ng yaong karumal-dumal na simbahan, na ang pagkakabuo ay nakita mo.

1 Nephi 13:33–34

Ang Diyos ay nangako na ibabalik ang lahat nang mga kinuha at nawala sa kanyang ebanghelyo.

Anupa’t wika ng Kordero ng Diyos:

Magiging maawain ako sa mga Gentil, sa pagpaparusa sa mga labi ng sambahayan ni Israel sa dakilang paghuhukom.

At ito ay nangyari na, na nangusap ang anghel ng Panginoon sa akin, sinasabing:

Masdan, wika ng Kordero ng Diyos, matapos kong parusahan ang labi ng sambahayan ni Israel—at ang mga binhi ng iyong ama ang labing ito na aking tinutukoy—

Dahil dito, matapos ko silang parusahan sa paghuhukom, at bagabagin sila sa pamamagitan ng kamay ng mga Gentil, at matapos na lubhang mangatisod ang mga Gentil, dahil sa pinakamalilinaw at mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ng Kordero na ipinagkait ng karumal-dumal na simbahang yaon, na siyang ina ng mga patutot, wika ng Kordero—

Magiging maawain ako sa mga Gentil sa araw na yaon, kung kaya nga’t isisiwalat ko sa kanila, sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan, ang karamihan ng aking ebanghelyo, na magiging malinaw at mahalaga, wika ng Kordero.

1 Nephi 13:35–37

Ipinaliwanag ni Jesukristo na ang kabihasnan ni Nephi ay magtitipon ng mga talaan na naglalaman ng salita ng Diyos, na siyang mahuhukay sa panahong hinaharap, sa gayon maipanunumbalik ang mga yaong bagay na nawala.

Sapagkat, masdan, wika ng Kordero:

Ipakikita ko ang aking sarili sa iyong mga binhi, nang isulat nila ang maraming bagay na aking ipangangaral sa kanila, na magiging malinaw at mahalaga; at matapos na ang iyong mga binhi ay malipol, at manghina sa kawalang-paniniwala, at gayon din ang mga binhi ng iyong mga kapatid, masdan, ang mga bagay na ito ay itatago, upang lumabas sa mga Gentil, sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Kordero. At sa mga ito masusulat ang aking ebanghelyo, wika ng Kordero, at ang aking bato, at ang aking kaligtasan.

At pagpapalain sila na mga maghahangad na maitatag ang aking Sion sa araw na yaon, sapagkat mapapasakanila ang kaloob at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo; at kung sila ay makapagtitiis hanggang wakas sila ay dadakilain sa huling araw, at maliligtas sa walang hanggang kaharian ng Kordero; at kung sinuman ang maghahayag ng kapayapaan, oo, mga balita ng dakilang kagalakan, anong ganda nila sa ibabaw ng mga bundok.