...napasa-Espiritu ako ng Panginoon, oo, sa isang napakataas na bundok, na kailanman ay hindi ko pa nakikita, at kailanman ay hindi ko pa naiyayapak ang aking mga paa.
At sinabi sa akin ng Espiritu:
Masdan, ano ang ninanais mo?
At tumugon ako:
Nais kong mamasdan ang mga bagay
na nakita ng aking ama.
At sinabi sa akin ng Espiritu:
Naniniwala ka bang nakita ng iyong ama
ang punungkahoy na kanyang sinabi?
At sinabi ko:
Oo, nalalaman mong naniniwala ako
sa lahat ng salita ng aking ama.
At nang sabihin ko ang mga salitang ito, ang Espiritu ay sumigaw sa malakas na tinig, sinasabing:
Hosana sa Panginoon, ang kataas-taasang Diyos; sapagkat siya ang Diyos ng buong mundo, oo, maging higit sa lahat. At pinagpala ka, Nephi, sapagkat naniniwala ka sa Anak ng kataas-taasang Diyos; kaya nga, mamamasdan mo ang mga bagay na ninanais mo.
At masdan, ang bagay na ito ay ibibigay sa iyo bilang isang palatandaan, na matapos mong mamasdan ang punungkahoy na namumunga ng bungang natikman ng iyong ama, mamamasdan mo rin ang isang lalaking bumababa mula sa langit, at makikita mo siya; at matapos mong makita siya ay patototohanan mo na siya ang Anak ng Diyos.
At ito ay nangyari na, na sinabi sa akin ng Espiritu:
Tingnan!
At tumingin ako at namasdan ang punungkahoy; at ito ay nahahalintulad sa punungkahoy na nakita ng aking ama; at ubod ito ng ganda, oo, higit sa lahat ng kagandahan; at ang kaputian nito ay higit pa sa kaputian ng niyebe. At ito ay nangyari na, na matapos kong makita ang punungkahoy, sinabi ko sa Espiritu:
Namasdan kong ipinakita mo sa akin
ang punungkahoy na pinakamahalaga sa lahat.
At sinabi niya sa akin:
Ano ang ninanais mo?
At sinabi ko sa kanya:
Ang malaman ang kahulugan nito—
Sapagkat nakipag-usap ako sa kanya tulad ng pakikipag-usap sa isang tao; sapagkat namasdan ko na siya ay nasa anyo ng isang tao; subalit gayon pa man, alam ko na ito ang Espiritu ng Panginoon; at nakipag-usap siya sa akin tulad ng pakikipag-usap ng isang tao sa iba.
At ito ay nangyari na, na sinabi niya sa akin:
Tingnan!
At tumingin ako na sa wari ay titingin sa kanya, at hindi ko siya nakita; sapagkat lumisan siya mula sa aking harapan.