Ang Pangitain ni Nephi

Ang Hatol ng Kasamaan

1 Nephi 14:8

Pinaalalahanan ng anghel si Nephi sa nakaraang tipan ng Diyos sa Israel.

At ito ay nangyari na, nang sabihin ng anghel ang mga salitang ito, sinabi niya sa akin:

Naaalaala mo ba
ang mga tipan ng Ama
sa sambahayan ni Israel?

Sinabi ko sa kanya,

Oo.

1 Nephi 14:9–10

Binigyang-diin ng anghel ang mga kahihinatnan ng pagsapi sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan.

At ito ay nangyari na, na sinabi niya sa akin:

Tingnan, at masdan
ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan,
na ina ng mga karumal-dumal na gawain,
na ang diyablo ang nagtatag.

At sinabi niya sa akin:

Masdan, may dalawang simbahan lamang;
ang isa ay simbahan ng Kordero ng Diyos,
at ang isa naman ay simbahan ng diyablo;
kaya nga, kung sinuman ang hindi nabibilang
sa simbahan ng Kordero ng Diyos
ay nabibilang sa yaong makapangyarihang simbahan,
na ina ng mga karumal-dumal na gawain;
at siya ang patutot ng buong mundo.

1 Nephi 14:11–12

Nakita ni Nephi ang simbahan ng Diyos, na kakaunti ang bilang, kumpara sa malahalimaw na impluwensiya ng kasamaan sa mundo.

At ito ay nangyari na, na tumingin ako at namasdan ang patutot ng buong mundo, at nakaupo siya sa maraming tubig; at may kapangyarihan siya sa buong mundo, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.

At ito ay nangyari na, na namasdan ko ang simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang bilang nito ay kakaunti, dahil sa mga kasamaan at karumal-dumal na gawain ng patutot na nakaupo sa maraming tubig; gayon pa man, namasdan ko na ang simbahan ng Kordero, na mga banal ng Diyos, ay nasa lahat din ng dako ng mundo; at ang kanilang nasasakupan sa mundo ay kakaunti, dahil sa kasamaan ng makapangyarihang patutot na nakita ko.

1 Nephi 14:13–15

Nakita ni Nephi ang galit ng Diyos sa masasama.

At ito ay nangyari na, na namasdan kong nangalap ng maraming tao ang makapangyarihang ina ng mga karumal-dumal na gawain sa lahat ng dako ng mundo, sa lahat ng bansa ng mga Gentil, upang kalabanin ang Kordero ng Diyos.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.

At ito ay nangyari na, na namasdan kong nabuhos ang poot ng Diyos sa yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, kung kaya nga’t may mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan sa lahat ng bansa at lahi sa mundo.

1 Nephi 14:16–17

Nakita ni Nephi ang malaking digmaan laban sa masasama.

At nang magsimulang magkaroon ng mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan sa lahat ng bansang pag-aari ng ina ng mga karumal-dumal na gawain, nangusap ang anghel sa akin, sinasabing:

Masdan, ang poot ng Diyos ay napasa-ina ng mga patutot;
at masdan, nakikita mo ang lahat ng bagay na ito—

At kapag dumating ang panahong mabubuhos ang poot ng Diyos sa ina ng mga patutot, na siyang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan sa buong mundo, na ang diyablo ang nagtatag, sa gayon, sa araw na yaon, ang gawain ng Ama ay magsisimula, sa paghahanda ng daan upang maisakatuparan ang kanyang mga tipan, na kanyang ginawa sa kanyang mga tao na nabibilang sa sambahayan ni Israel.