Pinaikli ni Mormon ang Mga Talaan ng Mga Nephita

Ang Editoryal ni Mormon Hinggil sa Kanyang Katawagan at Gawain

3 Nephi 5:7–8

Habang pinaiikli ang mga talaan ni Nephi (ang anak ni Nephi), si Mormon muli ay nalungkot na tanging ilang bahagi lamang ng mga alaala ng mga Nephita ang kanyang maisusulat.

At sa gayon lumipas ang ikadalawampu at dalawang taon, at ang ikadalawampu at tatlong taon din, at ang ikadalawampu at apat, at ang ikadalawampu at lima; at sa gayon lumipas ang ikadalawampu at limang taon. At maraming bagay ang nangyari, na sa paningin ng ilan, ay dakila at kagila-gilalas; gayon pa man, ang mga ito ay hindi maaaring isulat na lahat sa aklat na ito; oo, ang aklat na ito ay hindi maaaring maglaman ng kahit na ika-isandaang bahagi ng nagawa sa napakaraming tao sa loob ng dalawampu at limang taon;

3 Nephi 5:12

Si Mormon ay lumihis ng kuwento, at isinalaysay niya na siya ay ipinangalan sa lugar ng Mormon, kung saan si Alma ay nagtatag ng simbahan matapos na iwan ang pagmiministro kay Noa.

At masdan, ako ay tinatawag na Mormon, na tinawag alinsunod sa lupain ng Mormon, ang lupain kung saan itinatag ni Alma ang simbahan sa mga tao, oo, ang unang simbahang itinatag sa kanila matapos ang kanilang pagkakasala.

3 Nephi 5:13

Inihayag ni Mormon na siya ay disipulo ni Jesukristo.

Masdan, ako ay disipulo ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay tinawag niya na ipahayag ang kanyang mga salita sa kanyang mga tao, upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.

3 Nephi 5:14–15

Nalalaman ni Mormon na ito ang kanyang katawagan na isakatuparan ang mga panalangin at mga kahilingan ng kanyang mga ninuno sa pamamagitan ng paglikha ng talaang ito.

At kinakailangan na ako, alinsunod sa kalooban ng Diyos, nang ang mga panalangin ng mga yaong pumanaw na, na mga banal, ay matupad alinsunod sa kanilang pananampalataya, ay gumawa ng talaan ng mga bagay na ito na naganap— Oo, isang maliit na talaan ng yaong naganap mula sa panahong lisanin ni Lehi ang Jerusalem, maging hanggang sa panahong kasalukuyan.

3 Nephi 5:16–17

Ipinagpatuloy ni Mormon ang pagsusulat sa kanyang talaan, ayon sa mga talaan mula sa nakalipas, at sa mga sarili niyang karanasan.

Anupa’t ginagawa ko ang aking talaan mula sa mga ulat na ibinigay ng mga yaong nauna sa akin, hanggang sa pagsisimula ng aking araw; At pagkatapos ako ay gagawa ng talaan ng mga bagay na aking nakita ng aking sariling mga mata.

3 Nephi 5:18–19

Ang mga talaan ni Mormon ay makatarungan at totoo, hangga’t pinahihintulutan ito ng mga hangganan ng kanyang wika.

At nalalaman ko na ang talaang aking ginagawa ay makatarungan at totoong talaan; gayon pa man maraming bagay ang, alinsunod sa aming wika, ay hindi namin nagawang isulat. At ngayon tinatapos ko ang aking sinasabi, na tungkol sa aking sarili, at magpapatuloy na magbigay ng aking ulat ng mga bagay na nangyari na bago pa sa akin.

3 Nephi 5:20

Si Mormon ay tunay na inapo ni Lehi, at nalulugod na natanggap niya ang ebanghelyo sa pamamagitan ng kanyang pamilya.

Ako si Mormon, at tunay na inapo ni Lehi. May dahilan ako na purihin ang aking Diyos at aking Tagapagligtas na si Jesucristo, na dinala niya ang aming mga ama palabas ng lupain ng Jerusalem, (at walang nakaalam nito maliban sa kanyang sarili at ang mga yaong inilabas niya mula sa lupaing yaon) at kanyang binigyan ako at ang aking mga tao ng labis na kaalaman tungo sa kaligtasan ng aming mga kaluluwa.

3 Nephi 5:21–23

Ang sambahayan ni Jacob ay pinagpala sa pamamagitan ng angkan ni Lehi.

Tunay na pinagpala niya ang sambahayan ni Jacob, at naging maawain sa mga binhi ni Jose. At habang sinusunod ng mga anak ni Lehi ang kanyang mga kautusan ay kanyang pinagpala sila at pinaunlad sila alinsunod sa kanyang mga salita. Oo, at tunay na muli siyang magdadala ng labi ng mga binhi ni Jose sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos.

3 Nephi 5:24–25

Ang sambahayan ni Jacob ay maipanunumbalik sa pagtitipon ng Israel.

At tunay na yamang buhay ang Panginoon, ay titipunin niya mula sa apat na sulok ng mundo ang lahat ng labi ng mga binhi ni Jacob, na nakakalat sa balat ng lupa. At tulad nang pakikipagtipan niya sa buong sambahayan ni Jacob, gayon din ang tipang ipinakipagtipan niya sa sambahayan ni Jacob ay matutupad sa kanyang sariling takdang panahon, tungo sa pagpapanumbalik ng buong sambahayan ni Jacob sa kaalaman ng tipang ipinakipagtipan niya sa kanila.

3 Nephi 5:26

Malalaman nila na si Jesus ang kanilang Manunubos, at Tagatipon.

At doon nila makikilala ang kanilang Manunubos, na si Jesucristo, ang Anak ng Diyos; at doon sila titipunin mula sa apat na sulok ng mundo sa kanilang sariling mga lupain, kung saan sila ikinalat; oo, yamang buhay ang Panginoon ay gayon nga ito. Amen.