Pinaikli ni Mormon ang Mga Talaan ng Mga Nephita

Ang Mensahe ni Mormon sa Israel at mga Hentil

Mormon 3:17–19

Si Mormon ay sumulat sa mga Gentil, sa Israel, at sa buong mundo.

Kaya nga, ako ay sumusulat sa inyo, mga Gentil, at gayon din sa inyo, sambahayan ni Israel, kapag ang gawain ay nagsimula na, na kayo’y malapit nang ihanda na magbalik sa lupaing inyong mana; Oo, masdan, ako ay sumusulat sa lahat ng nasa mga dulo ng mundo; oo, sa inyo, labindalawang lipi ni Israel, na hahatulan alinsunod sa inyong mga gawa ng labindalawang pinili ni Jesus na maging mga disipulo niya sa lupain ng Jerusalem. At ako ay sumusulat din sa labi ng mga taong ito, na hahatulan din ng labindalawang pinili ni Jesus sa lupaing ito; at sila’y hahatulan din ng iba pang labindalawang pinili ni Jesus sa lupain ng Jerusalem.

Mormon 3:20

Ang bawat kaluluwa ay nararapat na tumayo sa hukuman ng Diyos upang mahatulan sa kanilang mga gawain.

At ang mga bagay na ito ang pinahahayag ng Espiritu sa akin; kaya nga, ako ay sumusulat sa inyong lahat. At sa kadahilanang ito ko kayo sinusulatan, upang malaman ninyo na kinakailangan kayong tumindig na lahat sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo, oo, bawat tao na nabibilang sa buong mag-anak ni Adan; at kinakailangan kayong tumindig upang mahatulan sa inyong mga gawa, maging sila ma’y mabuti o masama;

Mormon 3:21

Maniwala sa ebanghelyo ni Jesukristo, para sa mga Gentil at gayun din sa mga Hudyo.

At gayon din upang kayo ay maniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo, na matatanggap ninyo sa inyo; at gayon din upang ang mga Judio, na mga pinagtipanang tao ng Panginoon, ay magkaroon ng iba pang saksi maliban sa kanya na kanilang nakita at narinig, na si Jesus, na kanilang pinatay, ang siya ring Cristo at ang siya ring Diyos.

Mormon 3:22

Hinangad ni Mormon na maihanda niya ang lahat ng mga tao na magsisi at maghanda para sa paghuhukom.

At nais ko na mahikayat ko kayong lahat ng nasa mga dulo ng mundo na magsisi at maghandang tumindig sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo.