At ngayon, masdan, ako ay magsasalita kahit paano sa mga labi ng mga taong ito na naligtas, kung sakaling ipahihintulot ng Diyos na ibigay sa kanila ang aking mga salita, upang malaman nila ang tungkol sa mga bagay ng kanilang mga ama; oo, ako ay nangungusap sa inyo, kayong mga labi ng sambahayan ni Israel; at ito ang mga salitang aking sasabihin:
Alamin ninyo na kayo ay mula sa sambahayan ni Israel.
Alamin ninyo na kinakailangan kayong magsisi, o hindi kayo maliligtas.
Alamin ninyo na kinakailangan ninyong isuko ang inyong mga sandata ng digmaan, at huwag nang malugod pa sa pagpapadanak ng dugo, at huwag na ninyong muling kunin ang mga ito, maliban kung ipag-uutos ng Diyos sa inyo.
Alamin ninyo na kinakailangan kayong magkaroon ng kaalaman tungkol sa inyong mga ama, at magsisi ng lahat ng inyong mga kasalanan at kasamaan, at maniwala kay Jesucristo, na siya ang Anak ng Diyos, at na siya ay pinatay ng mga Judio, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, siya ay bumangong muli kung saan ay natamo niya ang tagumpay laban sa libingan; at sa kanya rin ang tibo ng kamatayan ay nalulon.
At kanyang pinapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, kung saan ang mga tao ay kinakailangang magbangon upang tumayo sa harapan ng kanyang hukumang-luklukan.
At kanyang pinapangyari ang katubusan ng sanlibutan, kung saan siya na matatagpuang walang kasalanan sa harapan niya sa araw ng paghuhukom ay maibigay sa kanya na makapanahanan sa kinaroroonan ng Diyos sa kanyang kaharian, upang umawit nang walang humpay na papuri kasama ng mga koro sa kaitaasan, sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo, na isang Diyos, sa maligayang kalagayan na walang katapusan.
Kaya nga, magsisi, at magpabinyag sa pangalan ni Jesus, at panghawakan ang ebanghelyo ni Cristo, na ipaaalam sa inyo, hindi lamang sa talaang ito kundi gayon din sa mga talaang darating sa mga Gentil mula sa mga Judio, na mga talaang manggagaling sa mga Gentil patungo sa inyo.
Sapagkat masdan, ito ay isinulat sa layuning kayo ay maniwala roon; at kung kayo ay maniniwala roon ay paniniwalaan din ninyo ito; at kung paniwalaan ninyo ito, malalaman ninyo ang hinggil sa inyong mga ama, at gayon din ang mga kagila-gilalas na gawaing ginawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa kanila.
At malalaman din ninyo na kayo ay mga labi ng mga binhi ni Jacob; anupa’t kayo ay nabibilang sa mga tao ng unang tipan; at kung sakaling kayo ay maniniwala kay Cristo, at magpabinyag, una ay sa tubig, at pagkatapos ay sa apoy at sa Espiritu Santo, na sinusunod ang halimbawa ng ating Tagapagligtas, alinsunod sa kanyang iniutos sa atin, iyon ay higit na mabuti para sa inyo sa araw ng paghuhukom. Amen.