Pinaikli ni Mormon ang Mga Talaan ng Mga Nephita

Mga Tala ni Mormon Hinggil sa Pagdating ng Kanyang Talaan

3 Nephi 29:1–3

Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang tanda ng pagtitipon ng Israel.

At ngayon, masdan, sinasabi ko sa inyo na kung kailan mamarapatin ng Panginoon, sa kanyang karunungan, na ang mga salitang ito ay maipahayag sa mga Gentil alinsunod sa kanyang salita, doon ninyo malalaman na ang tipang ginawa ng Ama sa mga anak ni Israel, hinggil sa kanilang pagbabalik sa mga lupaing kanilang mana, ay nagsisimula nang matupad. At malalaman ninyo na ang mga salita ng Panginoon, na winika ng mga banal na propeta, ay matutupad na lahat; at hindi na ninyo kinakailangang sabihin na inaantala ng Panginoon ang kanyang pagparito sa mga anak ni Israel. At hindi ninyo kinakailangan na akalain sa inyong mga puso na ang mga salitang winika ay mga walang saysay, sapagkat masdan, aalalahanin ng Panginoon ang tipang ginawa niya sa kanyang mga tao na sambahayan ni Israel.

3 Nephi 29:4

Sa puntong iyon, ang pagtanggi sa mga gawain ng Panginoon ay magdadala ng mga mabibigat na mga kahihinatnan.

At kapag inyong mapagtanto na ang mga salitang ito ay ipinahahayag sa inyo, sa gayon ay hindi na ninyo kinakailangan pang itatwa ang mga gawain ng Panginoon, sapagkat ang espada ng kanyang katarungan ay nasa kanyang kanang kamay; at masdan, sa araw na yaon, kung inyong tatanggihan ang kanyang mga gawain, kanyang papapangyarihin na kayo ay maabutan nito.

3 Nephi 29:5–7

Sa aba ng mga yaong nagtatatwa kay Cristo, o sa mga makalangit na paghahayag, o sa propesiya, o mga himala.

Sa aba niya na tatanggi sa mga gawain ng Panginoon; oo, sa aba niya na magtatatwa kay Cristo at sa kanyang mga gawain! Oo, sa aba niya na ikakaila ang mga paghahayag ng Panginoon, at magsasabing hindi na gumagawa ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag, o ng propesiya, o ng mga kaloob, o ng mga wika, o ng mga pagpapagaling, o sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo! Oo, at sa aba niya na magsasabi sa araw na yaon, upang makinabang, na hindi na magkakaroon pa ng mga himalang gagawin si Jesucristo; sapagkat siya na gagawa nito ay magiging katulad ng anak na lalaki ng kapahamakan, para sa kanya ay walang awa, ayon sa salita ni Cristo!

3 Nephi 29:8–9

Sa oras na simulan ng Panginoon ang kanyang gawain, anumang pagtatangkang pigilan siya ay walang saysay.

Oo, at hindi na kayo kailangan pang mag-anasan, o tumanggi, o paglaruan ang mga Judio, o sinuman sa labi ng sambahayan ni Israel; sapagkat masdan, maalaala ng Panginoon ang kanyang tipan sa kanila, at kanyang gagawin sa kanila ang alinsunod doon sa kanyang isinumpa. Kaya nga, huwag ninyong akalain na maaari ninyong ibaling ang kanang kamay ng Panginoon sa kaliwa, upang hindi niya maisagawa ang kahatulan sa ikatutupad ng kanyang ginawang tipan sa sambahayan ni Israel.

3 Nephi 30:1–2

Inutusan ng Panginoon si Mormon na ihayag ang pagtawag tungo sa pagsisisi para sa mga Gentil, at anyayahan sila na sumama sa mga tao ng Diyos.

Makinig, O kayong mga Gentil, at pakinggan ang mga salita ni Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos, na kanyang iniutos sa akin na sabihin ko hinggil sa inyo, sapagkat masdan, ako ay inutusan niya na ako ay sumulat, sinasabing:

Tumalikod, lahat kayong mga Gentil mula sa inyong masasamang ugali; at magsisi sa inyong masasamang gawain, sa inyong mga pagsisinungaling at panlilinlang, at sa inyong mga pagpapatutot, at sa inyong mga lihim na gawaing karumal-dumal, at sa inyong mga pagsamba sa diyus-diyusan, at sa inyong mga pagpaslang, at sa inyong mga huwad na pagkasaserdote, at sa inyong mga inggitan, at sa inyong mga sigalutan, at mula sa lahat ninyong mga kasamaan at karumal-dumal na gawain, at magsilapit sa akin, at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay tumanggap ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan, at mapuspos ng Espiritu Santo, upang kayo ay mabilang sa aking mga tao na sambahayan ni Israel.