Pinaikli ni Mormon ang Mga Talaan ng Mga Nephita

Mga Saloobin ni Mormon Habang Kanyang Tinatapos ang Kasaysayan ng Ministeryo ni Kristo

3 Nephi 28:24–25

Habang tinatapos ni Mormon ang pagsusulat sa kuwento ng pagmiministeryo ni Jesus sa mga tao, gagawin na sana niyang isulat ang mga pangalan ng tatlong disipulo na pinagkalooban ng kawalang-kamatayan, subalit pinagbawalan siya ng Panginoon.

At ngayon, ako, si Mormon ay pansamantalang nagtatapos ng pagsasalita hinggil sa mga bagay na ito. Masdan, isusulat ko na sana ang mga pangalan ng yaong hindi kailanman makatitikim ng kamatayan, ngunit ipinagbawal ng Panginoon; kaya nga, hindi ko yaon isinulat, sapagkat sila ay nakukubli sa sanlibutan.

3 Nephi 28:26–28

Isinalaysay ni Mormon na binisita siya ng tatlong disipulo at na sila ay hahayo sa ibang bansa, subalit hindi makikilala ng mga tao.

Ngunit masdan, nakita ko na sila, at sila ay nagsipaglingkod sa akin. At masdan, sila ay mapapasa mga Gentil, at ang mga Gentil ay hindi sila makikilala. At sila rin ay mapapasa mga Judio, at ang mga Judio ay hindi sila makikilala.

3 Nephi 28:29

Sa takdang panahon ng Panginoon, sila ay magmiministeryo sa mga nawawalang lipi ni Israel, at magdadala ng maraming kaluluwa kay Cristo.

At ito ay mangyayari, kung kailan mamarapatin ng Panginoon sa kanyang karunungan na sila ay maglilingkod sa lahat ng nangagkalat na mga lipi ng Israel, at sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao, at magdadala mula sa kanila tungo kay Jesus ng maraming kaluluwa, nang ang kanilang hangarin ay matupad, at gayundin dahil sa nakapanghihikayat na kapangyarihan ng Diyos na nasa kanila.

3 Nephi 28:30–32

Ang mga disipulo ay katulad ng mga anghel ng Diyos, at maraming mga himala ang maisasagawa sa pamamagitan nila.

At sila ay tulad ng mga anghel ng Diyos, at kung sila ay mananalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus ay maaari nilang ipakita ang kanilang sarili sa kanino mang tao kung inaakala nilang makabubuti. Anupa’t dakila at mga kagila-gilalas na gawa ang gagawin nila, bago ang dakila at darating na araw kung kailan ang lahat ng tao ay tiyak na tatayo sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo; Oo, maging sa mga Gentil ay magkakaroon ng isang dakila at kagila-gilalas na gawa na kanilang gagawin, bago ang araw ng paghuhukom.

3 Nephi 28:33

Kung ang lahat ng mga banal na kasulatan patungkol sa pagmiministeryo ni Cristo ay mailalabas, magiging napakalinaw na ang mga propesiyang ito ay tunay na maisasakatuparan.

At kung mayroon kayo ng lahat ng banal na kasulatan na nagbibigay-ulat sa lahat ng kagila-gilalas na mga gawa ni Cristo, malalaman ninyo, ayon sa mga salita ni Cristo, na ang mga bagay na ito ay tiyak na darating.

3 Nephi 28:34–35

Sila na tatanggihan si Jesus ay mas mabuti pa sanang hindi nalang ipinanganak.

At sa aba niya na hindi makikinig sa mga salita ni Jesus, at gayundin sa kanila na kanyang mga pinili at isinugo sa kanila; sapagkat sinuman ang hindi tatanggap sa mga salita ni Jesus at sa mga salita nila na kanyang isinugo ay hindi tumatanggap sa kanya; at kaya nga, hindi niya sila tatanggapin sa huling araw; At higit na mabuti pa para sa kanila kung hindi na sila isinilang. Sapagkat inaakala ba ninyo na kayo ay maaaring makaiwas sa katarungan ng isang nagdaramdam na Diyos, na niyurakan sa ilalim ng mga paa ng tao, nang sa gayong paraan ang kaligtasan ay maaaring dumating?