At ito ay mangyayari na isisiwalat sa inyo ng Panginoong Diyos ang mga salita ng isang aklat, at ang mga ito ang mga salita ng mga yaong nagsitulog. At masdan, ang aklat ay tatatakan; at ang nasusulat sa aklat ay magiging paghahayag mula sa Diyos, mula sa simula ng daigdig hanggang sa katapusan niyon. Dahil dito, dahil sa mga bagay na mahigpit na isinara, ang mga bagay na mahigpit na isinara ay hindi ibibigay sa araw ng kasamaan at karumal-dumal na gawain ng mga tao. Dahil dito, itatago ang aklat mula sa kanila.
Subalit ang aklat ay ibibigay sa isang lalaki, at kanyang ibibigay ang mga salita ng aklat, na mga salita ng yaong nagsitulog sa alabok, at ibibigay niya ang mga salitang ito sa iba;
Subalit ang mga salitang mahigpit na isinara ay hindi niya ibibigay, ni hindi niya ibibigay ang aklat. Sapagkat mahigpit na isinara ang aklat ng kapangyarihan ng Diyos, at ang paghahayag na mahigpit na isinara ay iingatan sa aklat hanggang sa sumapit ang sariling takdang panahon ng Panginoon, upang ang mga ito ay lumabas; sapagkat masdan, ipinahahayag ng mga ito ang lahat ng bagay mula sa pagkakatatag ng daigdig hanggang sa katapusan niyon.
At darating ang araw na ang mga salita ng aklat na mahigpit na isinara ay babasahin sa mga bubungan; at ang mga ito ay mababasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo; at ang lahat ng bagay ay ipahahayag sa mga anak ng tao kung ano man ang nangyari na sa mga anak ng tao, at kung ano man ang mangyayari pa hanggang sa katapusan ng mundo.
Dahil dito, sa araw na yaon kapag ang aklat ay ibibigay sa lalaking yaon na aking sinabi, itatago ang aklat sa paningin ng sanlibutan, upang walang mga mata ang makamamalas nito maliban sa tatlong saksi na makamamalas nito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, bukod sa kanya kung kanino ibibigay ang aklat; at magpapatotoo sila sa katotohanan ng aklat at ng mga bagay na nilalaman niyon.
At wala nang ibang makamamalas nito, maliban sa ilan alinsunod sa kalooban ng Diyos, upang magbigay ng patotoo sa kanyang salita sa mga anak ng tao; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi na ang mga salita ng matatapat ay magsasalita na para bang mula sa patay.
Dahil dito, ang Panginoong Diyos ay magpapatuloy na ipahayag ang mga salita ng aklat; at sa pamamagitan ng bibig ng kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti ay pagtitibayin niya ang kanyang salita; at sa aba niya na tatanggi sa salita ng Diyos!
Subalit masdan, ito ay mangyayari na sasabihin ng Panginoong Diyos sa kanya na pagbibigyan niya ng aklat:
Kunin mo ang mga salitang ito na hindi mahigpit na isinara at ibigay ang mga ito sa ibang tao, upang maipakita niya ang mga yaon sa taong marunong, sinasabing:
‘Basahin ito, isinasamo ko sa iyo.’
At sasabihin ng marunong:
Dalhin mo rito ang aklat, at babasahin ko yaon.
At ngayon, dahil sa papuri ng sanlibutan, at upang makakuha ng yaman ay kanila itong sasabihin, at hindi para sa kaluwalhatian ng Diyos. At sasabihin ng lalaki:
Hindi ko madadala ang aklat, sapagkat ito ay mahigpit na isinara.
Pagkatapos sasabihin ng marunong:
Hindi ko ito mababasa.
Dahil dito, ito ay mangyayari na muling ibibigay ng Panginoong Diyos ang aklat at ang mga salita niyon sa kanya na hindi marunong; at sasabihin ng lalaking hindi marunong:
Hindi ako marunong.
Pagkatapos sasabihin sa kanya ng Panginoong Diyos:
Hindi yaon mababasa ng marunong, sapagkat yaon ay tinanggihan niya, at may kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain; dahil dito, babasahin mo ang mga salitang ibibigay ko sa iyo. Huwag galawin ang mga bagay na mahigpit na isinara, sapagkat ilalabas ko ang mga ito sa aking sariling takdang panahon; sapagkat isisiwalat ko sa mga anak ng tao na may kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain.
Kaya nga, kapag nabasa mo na ang mga salitang aking iniutos sa iyo, at matanggap ang mga saksing ipinangako ko sa iyo, saka mo tatakan muli ang aklat, at ikukubli iyon ayon sa akin, upang aking mapangalagaan ang mga salitang hindi mo nabasa, hanggang sa makita ko sa aking sariling karunungan na nararapat nang ipahayag ang lahat ng bagay sa mga anak ng tao.
Sapagkat masdan, ako ang Diyos; at ako ay Diyos ng mga himala; at ipakikita ko sa mundo na ako ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman; at hindi ako gumagawa sa mga anak ng tao maliban kung ito ay naaayon sa kanilang pananampalataya.