Ang Mga Propesiya at Mga Turo ni Nephi

Apostasiya sa Huling Araw

2 Nephi 28:1–2

Ang nilalaman ng ang Aklat ni Mormon ay magiging napakahalaga.

At ngayon, masdan, aking mga kapatid, nagsalita ako sa inyo alinsunod sa Espiritung pumipilit sa akin; dahil dito, nalalaman kong tunay na kinakailangan itong mangyari.

At ang mga bagay na masusulat sa aklat ay magiging labis na mahalaga sa mga anak ng tao, at lalung-lalo na sa ating mga binhi na labi ng sambahayan ni Israel.

2 Nephi 28:3–4

Bawat simbahan ay maghahayag na isang totoong simbahan.

Sapagkat ito ay mangyayari na sa araw na yaon na ang mga simbahang naitayo, at hindi sa Panginoon, kapag sinasabi ng isa sa iba:

Masdan, ako, ako ay sa Panginoon;

At sasabihin ng iba:

Ako, ako ay sa Panginoon;

at gayon ang sasabihin ng bawat isa na nagtayo ng mga simbahan, at hindi sa Panginoon—

At makikipagtalo sila sa isa’t isa; at ang kani-kanilang mga saserdote ay magtatalu-talo, at magtuturo sila sa pamamagitan ng sarili nilang kaalaman, at itatatwa ang Espiritu Santo, na nagbibigay ng pananalita.

2 Nephi 28:5–6

Itinatanggi ang kapangyarihan ng Diyos, ang mga simbahan ay magpapahayag na ang mga himala at paghahayag ay natapos na.

At itinatatwa nila ang kapangyarihan ng Diyos, ang Banal ng Israel, at sinasabi nila sa mga tao:

Makinig sa amin, at pakinggan ninyo ang aming tuntunin; sapagkat masdan, wala nang Diyos ngayon, sapagkat nagawa na ng Panginoon at ng Manunubos ang kanyang gawain, at ibinigay na niya ang kanyang kapangyarihan sa tao;

Masdan, pakinggan ninyo ang aking tuntunin; kung sasabihin nila na may isang himalang ginagawa ang kamay ng Panginoon, huwag itong paniwalaan; sapagkat sa araw na ito ay hindi na siya Diyos ng mga himala; tapos na ang kanyang gawain.

2 Nephi 28:7–10

Marami ang maghahayag na ang pagpapakatwiran sa kasalanan ay katanggap-tanggap.

Oo, at marami ang magsasabi:

Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya,
sapagkat mamamatay tayo bukas;
at ito ay makabubuti sa atin.

At marami rin ang magsasabi:

Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya;
gayon pa man, matakot sa Diyos—
kanyang bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan;
oo, magsinungaling nang kaunti,
pagsamantalahan ang isa
dahil sa kanyang mga salita,
humukay ng hukay para sa iyong kapwa;

Walang masama rito;
at gawin ang lahat ng bagay na ito,
sapagkat bukas tayo ay mamamatay;

At kung tayo man ay may kasalanan,
hahagupitin tayo ng Diyos ng ilang palo,
at sa wakas tayo ay maliligtas
sa kaharian ng Diyos.

Oo, at marami ang magtuturo sa ganitong pamamaraan, mali at palalo at mga hangal na doktrina, at magiging mapagmataas sa kanilang mga puso, at maghahanap ng kalaliman upang ikubli ang kanilang mga payo mula sa Panginoon; at ang kanilang mga gawain ay nasa dilim. At ang dugo ng mga banal ay daraing mula sa lupa laban sa kanila.

2 Nephi 28:11–14

Ang kapalaluan at mga maling doktrina ay magiging dahilan ng katiwalian ng relihiyon.

Oo, silang lahat ay naligaw ng landas; silang lahat ay naging makasalanan. Dahil sa kapalaluan, at dahil sa mga huwad na guro, at maling doktrina, ang kanilang mga simbahan ay naging tiwali, at ang kanilang mga simbahan ay mapagmataas; dahil sa kapalaluan sila ay naging mapagmataas. Ninanakawan nila ang mga maralita dahil sa kanilang maiinam na santuwaryo; ninanakawan nila ang mga maralita dahil sa kanilang maiinam na kasuotan; at hinahamak nila ang maaamo at ang may mababang kalooban, dahil sa kanilang kapalaluan sila ay naging mapagmataas.

Matitigas ang kanilang mga leeg at nakataas ang mga noo; oo, at dahil sa kapalaluan, at kasamaan, at mga karumal-dumal na gawain, at mga pagpapatutot, at silang lahat ay naligaw maliban lamang sa iilan, na mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo; gayon pa man, naaakay sila, kung kaya’t sa maraming pagkakataon sila ay nagkakamali dahil sa naturuan sila ng mga tuntunin ng tao.

2 Nephi 28:15

Ang mga guro ng mga huwad na relihiyon ay hinahatulan sa impiyerno.

O ang matalino, at ang marunong, at ang mayaman, na mapagmataas sa kapalaluan ng kanilang mga puso, at lahat ng yaong nangangaral ng mga maling doktrina, at lahat ng yaong gumagawa ng pagpapatutot, at inililigaw ang tamang landas ng Panginoon, sa aba, sa aba, sa aba nila, wika ng Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, sapagkat itatapon sila sa impiyerno!

2 Nephi 28:16–18

Ang masasama ay mamamatay, subalit ang pagsisisi ay makapagliligtas sa kanila.

Sa aba nila na nagsasaisantabi ng matwid para sa isang bagay na walang kabuluhan at nanlalait ng yaong mabubuti; at nagsasabing walang halaga ito! Sapagkat darating ang araw na biglang parurusahan ng Panginoong Diyos ang mga naninirahan sa mundo; at sa araw na yaon na hinog na sila sa kasamaan ay lilipulin sila.

Subalit masdan, kung magsisisi ang mga naninirahan sa mundo sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ay hindi sila lilipulin, wika ng Panginoon ng mga Hukbo. Subalit masdan, ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahang yaon, ang patutot ng buong mundo, ay tiyak na mabubuwal sa lupa, at tiyak na napakalakas ng magiging pagbagsak niyon.