Subalit masdan, sa mga huling araw, o sa mga araw ng mga Gentil—oo, masdan, lahat ng bansa ng mga Gentil at gayon din ng mga Judio, kapwa yaong mga darating sa lupaing ito at yaong mga nasa mga ibang lupain, oo, maging sa lahat ng lupain sa mundo, masdan, malalango sila sa kasamaan at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain—
At kapag dumating ang araw na yaon, parurusahan sila ng Panginoon ng mga Hukbo, sa pamamagitan ng mga kulog at lindol, at ng labis na kaingayan, at ng unos, at ng bagyo, at sa pamamagitan ng alab ng nagniningas na apoy.
At lahat ng bansang kumakalaban sa Sion, at yaong bumabagabag sa kanya, ay matutulad sa isang panaginip ng isang pangitain sa gabi; oo, magiging gayon ito sa kanila, maging tulad ng isang taong nagugutom na nananaginip, at masdan kumakain siya subalit siya ay nagising at walang laman ang kanyang kaluluwa; o tulad ng isang taong nauuhaw na nananaginip, at masdan umiinom siya subalit siya ay nagising at masdan nahihilo siya, at gustong kumain ng kanyang kaluluwa; oo, gayon din ang mangyayari sa maraming tao ng lahat ng bansang kumakalaban sa Bundok ng Sion.
Sapagkat masdan, lahat kayong gumagawa ng kasamaan, magsitigil kayo at manggilalas, sapagkat kayo ay magsisigawan, at mananangis; oo, malalango kayo subalit hindi sa alak, gigiray-giray kayo subalit hindi sa matapang na inumin.
Sapagkat masdan, ibinuhos ng Panginoon sa inyo ang diwa ng mahimbing na pagkakatulog. Sapagkat masdan, ipinikit ninyo ang inyong mga mata, at itinakwil ninyo ang mga propeta; at ang inyong mga tagapamahala, at ang mga tagakita ay kanyang itinago dahil sa inyong kasamaan.