Subalit masdan, magpopropesiya ako sa inyo hinggil sa mga huling araw; hinggil sa mga araw na isisiwalat ng Panginoong Diyos ang mga bagay na ito sa mga anak ng tao.
Matapos na ang aking mga binhi at ang mga binhi ng aking mga kapatid ay manghina sa kawalang-paniniwala, at mabagabag ng mga Gentil; oo, matapos humimpil ang Panginoong Diyos laban sa kanila sa palibot, at makubkob sila, at magtayo ng mga kuta laban sa kanila; at matapos ibaba sila sa alabok, hanggang sa sila ay malipol, gayon pa man ang mga salita ng mabubuti ay masusulat, at maririnig ang mga panalangin ng matatapat, at ang lahat ng yaong nanghina sa kawalang-paniniwala ay hindi malilimutan.
Sapagkat ang mga yaong malilipol ay magsasalita sa kanila mula sa lupa, at ang kanilang pananalita ay manggagaling sa alabok, at ang kanilang tinig ay tulad sa yaong kilalang diwa; sapagkat ang Panginoong Diyos ay magbibigay sa kanya ng kapangyarihan upang makabulong siya hinggil sa kanila; maging sa ito ay mula pa sa lupa; at ang kanilang pananalita ay bubulong mula sa alabok.
Sapagkat ganito ang wika ng Panginoong Diyos:
Isusulat nila ang mga bagay na ginawa sa kanila, at masusulat ang mga ito at tatatakan sa isang aklat, at ang mga yaon ay hindi mapapasakamay ng mga yaong nanghina sa kawalang-paniniwala, sapagkat hinahangad nilang wasakin ang mga bagay ng Diyos.
Dahil dito, yayamang ang mga yaong nalipol ay mabilis na nalipol; at ang maraming tao ng kanilang mga kilabot ay matutulad sa ipang inilipad ng hangin—oo, ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Ito ay magiging biglaan, madalian— At ito ay mangyayari na ang mga yaong nanghina sa kawalang-paniniwala ay babagabagin sa pamamagitan ng kamay ng mga Gentil.
At ang mga Gentil ay maaangat sa kapalaluan ng kanilang mga mata, at mangatitisod, dahil sa kalakihan ng kanilang batong kinatitisuran, kung kaya’t nagtayo sila ng maraming simbahan; gayon pa man, itinatanggi nila ang kapangyarihan at ang mga himala ng Diyos, at ipinangangaral sa kanilang sarili ang sarili nilang karunungan at kaalaman, upang makakuha sila ng yaman at hamakin ang mga maralita. At maraming simbahan ang itinayo na pinagmumulan ng inggitan, at sigalutan, at masasamang hangarin.
At may mga lihim ding pagsasabwatan, maging tulad noong sinaunang panahon, alinsunod sa pagsasabwatan ng diyablo, sapagkat siya ang nagtatag ng lahat ng bagay na ito; oo, ang nagpasimula ng pagpaslang, at mga gawain ng kadiliman; oo, at kanya silang hinihila sa kanilang leeg sa pamamagitan ng de-ilong lubid, hanggang sa maigapos niya sila ng kanyang matitibay na lubid magpakailanman. Sapagkat masdan, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang Panginoong Diyos ay hindi gumagawa sa kadiliman.