Datapwat masdan, mga minamahal kong kapatid, sa ganito nangusap ang tinig ng Anak sa akin, nagsasabing:
Matapos na kayo ay magsisi ng inyong mga kasalanan, at nagpatotoo sa Ama na kayo ay nahahandang sumunod sa aking mga kautusan, sa pamamagitan ng pagpapabinyag sa tubig, at tumanggap ng binyag ng apoy at ng Espiritu Santo, at nakapagsalita ng bagong wika, oo, maging ng wika ng mga anghel, at pagkaraan nito ay itatakwil ako, makabubuti pa sa inyo ang hindi ninyo ako nakilala.
At narinig ko ang isang tinig mula sa Ama, nagsasabing:
Oo, ang mga salita ng aking Sinisinta ay tunay at tapat.
Siya na makapagtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas.
At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nalalaman ko sa pamamagitan nito na maliban sa ang tao ay magtiis hanggang wakas, sa pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay, siya ay hindi maaaring maligtas.
Kaya nga, gawin ninyo ang mga bagay na sinabi ko sa inyo na nakita kong gagawin ng inyong Panginoon at inyong Manunubos; sapagkat sa ganitong layunin ang mga yaon ay ipinakita sa akin, upang malaman ninyo ang pasukang inyong dapat pasukin.
Sapagkat ang pasukang inyong dapat pasukin ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig; at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo. At pagkatapos, kayo ay nasa makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan; oo, kayo ay nakapasok na sa pasukan; nagawa na ninyo ang alinsunod sa mga kautusan ng Ama at ng Anak; at inyong tinanggap ang Espiritu Santo, na sumasaksi sa Ama at sa Anak, tungo sa katuparan ng pangakong kanyang ginawa, na kung kayo ay papasok sa daan ay inyong tatanggapin.
At ngayon, mga minamahal kong kapatid, matapos na kayo ay mapasamakipot at makitid na landas, itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na?
Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat hindi pa kayo nakalalapit maliban sa ito ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas. Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.
Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama:
Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
At ngayon, masdan, mga minamahal kong kapatid, ito ang daan; at walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos. At ngayon, masdan, ito ang doktrina ni Cristo, at ang tangi at tunay na doktrina ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, na isang Diyos, na walang katapusan. Amen.