At dahil sa inalagaan ko ang mga likas na sanga at mga ugat niyon, at aking muling inihugpong ang mga likas na sanga sa kanilang inang puno, at inalagaan ang mga ugat ng kanilang inang puno, na baka sakaling ang mga puno ng aking olibohan ay muling mamunga ng mabuting bunga; at upang muli akong magkaroon ng kagalakan sa bunga ng aking olibohan, at baka sakaling lubusan akong masiyahan na aking inalagaan ang mga ugat at sanga ng unang bunga—
Samakatwid, humayo, at magtawag ng mga tagapagsilbi, upang masigasig tayong makagawa nang buong lakas sa olibohan, upang ating maihanda ang daan, na muli akong makapagpabunga ng likas na bunga, kung aling likas na bunga ay mainam at pinakamahalaga sa lahat ng iba pang bunga.
Kaya nga, halina’t humayo tayo at gumawa nang buong lakas natin sa huling pagkakataon, sapagkat masdan, ang katapusan ay nalalapit na, at ito ang huling pagkakataon na pupungusan ko ang aking olibohan. Ihugpong ang mga sanga; simulan sa huli upang ang mga ito ang mauna, at upang ang nauna ang mahuli, at bungkalin ang palibot ng mga puno, kapwa magulang at mura, ang una at ang huli; at ang huli at ang una, upang muling maalagaan ang lahat sa huling pagkakataon.
Samakatwid, bungkalin ang kanilang palibot, at pungusan ang mga ito, at muling lagyan ng pataba ang mga ito, sa huling pagkakataon, sapagkat ang katapusan ay nalalapit na. At kung sakali mang tumubo ang mga huling hugpong na ito, at mamunga ng likas na bunga, doon ninyo ihahanda ang paraan para sa kanila upang ang mga ito ay tumubo.
At habang nagsisimula ang mga itong tumubo ay tatanggalin ninyo ang mga sangang namumunga ng mapait na bunga, alinsunod sa lakas ng mabuti at sukat niyon; at hindi ninyo tatanggalin kaagad ang lahat ng masama, at baka maging labis na malakas ang mga ugat niyon para sa hugpong, at ang hugpong niyon ay matutuyot, at mawawala sa akin ang mga puno ng aking olibohan.
Sapagkat ikalulungkot kong mawala sa akin ang mga puno ng aking olibohan; kaya nga tanggalin ninyo ang masasama alinsunod sa pagtubo ng mabubuti, upang ang ugat at talbos ay maging magkasinglakas, hanggang sa madaig ng mabuti ang masama, at ang masama ay putulin at ihagis sa apoy, upang hindi makasagabal ang mga ito sa aking olibohan; at sa ganito ihihiwalay ang masama mula sa aking olibohan.
At ang mga sanga ng likas na puno ay muli kong ihuhugpong sa likas na puno; At ang mga sanga ng likas na puno ay ihuhugpong ko sa mga likas na sanga ng punungkahoy; at sa ganito ko muling ibabalik ang mga ito, nang mamunga ang mga ito ng likas na bunga, at ang mga ito ay pag-iisahin.
At ang masasama ay itatapon, oo, maging sa labas ng lupain ng aking olibohan; sapagkat masdan, tanging sa pagkakataong ito ko pupungusan ang aking olibohan.