At ito ay nangyari na, nang makita ng Panginoon ng olibohan na mainam ang bunga nito, at na ang kanyang olibohan ay hindi na nangabubulok, tinawag niya ang kanyang mga tagapagsilbi, at sinabi sa kanila:
Masdan, sa huling pagkakataong ito ay inalagaan natin ang aking olibohan; at namamasdan ninyong ginawa ko ang alinsunod sa aking kalooban; at naiimbak ko ang likas na bunga, na mainam ito, maging hanggang sa matulad ito sa simula.
At pinagpala kayo; sapagkat naging masigasig kayo sa paggawa na kasama ko sa aking olibohan, at sinunod ang aking mga kautusan, at naibalik muli sa akin ang likas na bunga, na hindi na nangabubulok ang aking olibohan, at itinapon ang masasama, masdan, magkakaroon kayo ng kagalakan kasama ko dahil sa bunga ng aking olibohan.
Sapagkat masdan, sa mahabang panahon ko iniimbak ang bunga ng aking olibohan para sa aking sarili sa panahon, na madaling darating; at sa huling pagkakataon ay inalagaan ko ang aking olibohan, at pinungusan ito, at binungkal ang palibot nito, at nilagyan ng pataba ito; samakatwid mag-iimbak ako ng bunga para sa aking sarili, sa mahabang panahon, alinsunod sa yaong aking sinabi.
At kapag dumating ang panahon na muling mahahaluan ng masasamang bunga ang aking olibohan, doon ko pagtitipun-tipunin ang mabubuti at masasama; at ang mabubuti ay iiimbak ko para sa aking sarili, at itatapon ko ang masasama sa sariling lugar nito. At doon darating ang panahon at ang katapusan; at ipasusunog ko ang aking olibohan sa pamamagitan ng apoy.