At ito ay nangyari na, na sinabi ng Panginoon ng olibohan sa tagapagsilbi:
Halina’t humayo tayo at putulin ang mga puno ng olibohan at ihagis ang mga ito sa apoy, upang hindi na muling makasagabal pa ang mga ito sa aking olibohan, sapagkat nagawa ko na ang lahat. Ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan?
Subalit, masdan, sinabi ng tagapagsilbi sa Panginoon ng olibohan:
Patagalin pa natin nang kaunti.
At sinabi ng panginoon:
Oo, patatagalin ko ito nang kaunti pa, sapagkat ikalulungkot kong mawala sa akin ang mga puno ng aking olibohan.
Samakatwid, kunin natin ang mga sanga ng mga ito na itinanim ko sa pinakamalayong dako ng aking olibohan, at ating ihugpong ang mga ito sa punong kanilang pinagmulan; at ating putulin mula sa puno ang yaong mga sangang napakapait ang bunga, at ihugpong sa mga likas na sanga ng puno bilang kapalit niyon. At gagawin ko ito upang hindi matuyot ang puno, na baka sakali, mapangalagaan ko para sa aking sariling layunin ang mga ugat niyon.
At, masdan, buhay pa ang mga ugat ng mga likas na sanga ng puno na aking itinanim saan ko man naisin; samakatwid, upang mapangalagaan ko ang mga yaon para sa sarili kong layunin, kukuha ako ng mga sanga sa punong ito, at ihuhugpong ko ang mga ito sa mga yaon.
Oo, ihuhugpong ko sa mga yaon ang mga sanga ng kanilang inang puno, upang mapangalagaan ko rin ang mga ugat para sa aking sarili, na kapag sapat na ang kanilang lakas ay baka sakaling mamunga ang mga ito ng mabubuting bunga para sa akin, at magkakaroon pa rin ako ng kagalakan sa bunga ng aking olibohan.
At ito ay nangyari na, na kumuha sila mula sa mga likas na puno na naging ligaw, at inihugpong sa mga likas na puno, na naging ligaw rin. At kinuha rin nila ang mga likas na puno na naging ligaw, at inihugpong sa kanilang inang puno.
At sinabi ng Panginoon ng olibohan sa tagapagsilbi:
Huwag mong putulin ang mga ligaw na sanga mula sa mga puno, maliban sa mga yaong napakapait; at sa mga yaon ay ihuhugpong mo ang alinsunod sa mga yaong aking sinabi. At atin muling aalagaan ang mga puno ng olibohan, at ating lilinisin ang mga sanga niyon; at mula sa mga puno ay ating puputulin yaong mga sangang magulang na, na natuyot, at ihagis ang mga ito sa apoy.
At gagawin ko ito, na baka sakali, ang mga ugat niyon ay mabigyang-lakas dahil sa kanilang kabutihan; at dahil sa pagpapalit ng mga sanga, ay madaig ng mabuti ang masama.