Ang Kolonisasyon ng Lupaing Pangako

Ang Kabihasnan ng Mga Lamanita

2 Nephi 5:21–23, Jacob 3:3

Ang mga Lamanita ay isinumpa, at inihiwalay mula sa impluwensiya ng Diyos.

At itinulot niyang sumapit sa kanila ang sumpa, oo, maging isang masidhing sumpa, dahil sa kanilang kasamaan. Sapagkat masdan, pinatigas nila ang kanilang mga puso laban sa kanya, kung kaya’t natulad sila sa batong kiskisan; anupa’t sapagkat sila ay mapuputi, at labis na kaaya-aya at kalugud-lugod, upang hindi sila maging kaakit-akit sa aking mga tao ay itinulot ng Panginoong Diyos na umitim ang kanilang mga balat. At ganito ang wika ng Panginoong Diyos:

Itutulot ko na sila ay maging karima-rimarim sa iyong mga tao, maliban na lamang kung magsisisi sila sa kanilang mga kasamaan. At kasumpa-sumpa ang mga binhi niya na makikiisa sa kanilang mga binhi; sapagkat masusumpa sila ng gayon ding sumpa. At winika ito ng Panginoon, at ito ay nangyari nga.


...at ang mga Lamanita, na hindi maruruming tulad ninyo, gayon pa man sila ay isinumpa ng masidhing sumpa, ay pahihirapan kayo maging tungo sa pagkalipol.

2 Nephi 5:24–25

Ang kultura ng mga Lamanita ay naging hamak.

At dahil sa sumpa na napasakanila sila ay naging mga tamad na tao, puno ng kalokohan at katusuhan, at naghanap sa ilang ng mga hayop na mahuhuli. At sinabi sa akin ng Panginoong Diyos:

Sila ay magiging pahirap sa iyong mga binhi, upang pukawin sila sa pag-alaala sa akin; at habang hindi nila ako naaalaala, at makikinig sa aking mga salita, kanilang pahihirapan sila maging tungo sa pagkalipol.

Jacob 1:13–14, Enos 20

Ang mga Lamanita ay naghangad na patayin ang mga Nephita.

Ngayon, ang mga taong hindi mga Lamanita ay mga Nephita; gayon pa man, tinawag silang mga Nephita, Jacobeo, Josefita, Zoramita, Lamanita, Lemuelita, at Ismaelita. Subalit ako, si Jacob, ay hindi sila kikilalanin mula ngayon sa mga ganitong pangalan, kundi tatawagin ko silang mga Lamanita na naghahangad na lipulin ang mga tao ni Nephi, at yaong malalapit kay Nephi ay tatawagin kong mga Nephita, o ang mga tao ni Nephi, alinsunod sa mga paghahari ng mga hari.


...ang kanilang poot ay di matinag, at sila ay naakay ng kanilang likas na kasamaan kaya nga’t sila ay naging mababangis, at malulupit, at mga taong uhaw sa dugo, puno ng pagsamba sa diyus-diyusan at karumihan; nabubusog sa mga hayop na maninila; nananahanan sa mga tolda, at gumagala sa ilang na may isang maigsing bigkis na balat sa kanilang mga balakang at ang kanilang mga ulo ay ahit; at ang kanilang kahusayan ay sa pana, at sa simitar at sa palakol. At karamihan sa kanila ay hindi kumakain maliban sa ito ay hilaw na karne; at sila ay patuloy na naghahangad na lipulin kami.

Jacob 7:24, Enos 20

Sa kabila ng mga pagsisikap misyonero ng mga Nephita, ang mga Lamanita ay nanatiling kabihasnang walang Diyos.

At ito ay nangyari na, na maraming pamamaraan ang ginawa upang mabawi at maibalik ang mga Lamanita sa kaalaman ng katotohanan; subalit lahat ng ito ay nawalang-saysay, sapagkat nalulugod sila sa mga digmaan at pagpapadanak ng dugo, at mayroon silang walang hanggang pagkapoot sa amin, na kanilang mga kapatid. At patuloy na hinangad nilang lipulin kami sa pamamagitan ng lakas ng kanilang mga sandata.


At ako ay nagpapatotoo na ang mga tao ni Nephi ay buong sigasig na nagsikap upang mapanumbalik ang mga Lamanita sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Ngunit ang aming mga pagpapagal ay nawalan ng saysay; ...

Jarom 6

Ang kabihasnang Lamanita ay dumami at pinalawak ang mga teritoryo nito.

At nakakalat sila sa halos lahat ng dako ng lupain, at gayon din ang mga Lamanita. At higit silang nakararami kaysa sa mga Nephita; at ikinagagalak nila ang pumaslang at iniinom ang dugo ng mga hayop.