Ngayon, ang mga tao ni Limhi ay nanatiling magkakasama sa iisang pangkat hangga’t maaari, at pinangalagaan ang kanilang mga butil at kanilang mga kawan; At ang hari rin ay hindi nagtiwala sa kanyang sarili sa labas ng mga muog ng lunsod, maliban kung kasama niya ang kanyang mga bantay, nangangamba na baka sa alinmang kaparaanan ay mahulog siya sa mga kamay ng mga Lamanita.
At pinapangyari niya na ang kanyang mga tao ay magbantay sa palibot ng lupain, upang sa alinmang kaparaanan ay madakip nila yaong mga saserdoteng tumakas patungo sa ilang, na siyang dumukot sa mga anak na babae ng mga Lamanita, at naging dahilan upang sumapit sa kanila ang gayon kalaking pagkawasak. Sapagkat sila ay nagnais na madakip sila upang kanila silang maparusahan; sapagkat nagtutungo sila sa lupain ng Nephi sa gabi, at tinatangay ang kanilang mga butil at marami sa kanilang mahahalagang bagay; anupa’t sila ay nag-abang sa kanila.
At ang hari na nasa labas ng pintuang-bayan ng lunsod kasama ang kanyang mga bantay, ay natagpuan si Ammon at ang kanyang mga kapatid;
At masdan, nakaharap nila ang hari ng mga tao na nasa lupain ng Nephi, at sa lupain ng Silom; at pinalibutan sila ng mga bantay ng hari, at dinakip, at iginapos, at ipinasok sa bilangguan.
...at sa pag-aakalang sila ang mga saserdote ni Noe, kaya nga, kanyang pinapangyari na sila ay dakpin, at igapos, at itapon sa bilangguan. At kung sila nga ang mga saserdote ni Noe ay kanya sanang ipinag-utos na sila ay patayin. Subalit nang malaman niya na hindi sila yaon, kundi sila ang kanyang mga kapatid, at nagmula sa lupain ng Zarahemla, siya ay napuspos ng labis na kagalakan.
At ito ay nangyari na, nang ikalawang araw nila sa bilangguan ay muli silang dinala sa harapan ng hari, at ang kanilang mga gapos ay kinalag; at tumayo sila sa harapan ng hari, at pinahintulutan sila, o sa lalong maliwanag, inutusang sagutin nila ang mga katanungang kanyang itatanong sa kanila. At sinabi niya sa kanila:
Masdan, ako si Limhi, ang anak ni Noe, na anak ni Zenif, na lumisan sa lupain ng Zarahemla upang manahin ang lupaing ito, na lupain ng kanilang mga ama, na ginawang hari sa pamamagitan ng tinig ng mga tao. At ngayon, nais kong malaman ang dahilan kung bakit nangahas kayong lumapit sa mga muog ng lunsod, nang ako na rin, ay kasama ng aking mga bantay sa labas ng pintuang-bayan? At ngayon, sa dahilang ito kung kaya’t kayo ay pinahintulutan kong mabuhay, upang matanong ko kayo, kung hindi ay ipinapatay ko na sana kayo sa aking mga bantay. Pinahihintulutan kayong makapagsalita.
At ngayon, nang matanto ni Ammon na siya ay pinahihintulutang makapagsalita, lumapit siya at yumukod sa harapan ng hari; at nang muling tumayo ay sinabi niya:
O hari, labis akong nagpapasalamat sa Diyos sa araw na ito na nabubuhay pa ako, at pinahihintulutang makapagsalita; at mangangahas akong magsalita pa; Sapagkat ako ay nakatitiyak na kung nakikilala ninyo ako ay hindi ninyo pahihintulutang ako ay magapos. Sapagkat ako, si Ammon, ay isang inapo ni Zarahemla, at naglakbay mula sa lupain ng Zarahemla upang magsiyasat hinggil sa aming mga kapatid, na inilabas ni Zenif mula sa lupain.
At ngayon, ito ay nangyari na, na matapos marinig ni Limhi ang mga salita ni Ammon, labis siyang nagalak, at sinabi:
Ngayon, nalalaman ko nang may katiyakan na ang aking mga kapatid na nasa lupain ng Zarahemla ay buhay pa. At ngayon, ako ay magsasaya; at bukas ay papapangyarihin ko na ang aking mga tao ay magsaya rin.
At ngayon, inutusan ni haring Limhi ang kanyang mga bantay na hindi na nila dapat igapos pa si Ammon ni ang kanyang mga kapatid, kundi pinapangyari na sila ay magtungo sa burol na nasa hilaga ng Silom, at dalhin ang kanilang mga kapatid sa lunsod, nang sa gayon sila ay makakain, at makainom, at maipahinga ang kanilang sarili mula sa hirap ng kanilang paglalakbay; sapagkat maraming bagay ang kanilang dinanas; nagdanas sila ng gutom, uhaw, at pagod.
Sapagkat masdan, kami ay nasa pagkaalipin sa mga Lamanita, at nabubuwisan ng buwis na napakabigat dalhin. At ngayon, masdan, palalayain tayo ng ating mga kapatid mula sa ating pagkaalipin, o mula sa mga kamay ng mga Lamanita, at magiging mga alipin nila tayo; sapagkat higit na mabuting maging mga alipin tayo ng mga Nephita kaysa magbayad ng buwis sa hari ng mga Lamanita.