Ngayon, ang lahat ng bagay na ito ay naganap, oo, lahat ng digmaan at alitang ito ay nagsimula at nagtapos sa ikalimang taon ng panunungkulan ng mga hukom. At sa loob ng isang taon ay libu-libo at sampu-sampung libong kaluluwa ang ipinadala sa walang hanggang daigdig, upang anihin nila ang kanilang mga gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, maging mabuti man o masama, upang umani ng walang hanggang kaligayahan o walang hanggang kalungkutan, alinsunod sa espiritung kanilang piniling sundin, kung ito man ay mabuting espiritu o masama. Sapagkat tinatanggap ng bawat tao ang kabayaran mula sa kanya na pinili niyang sundin, at ito ay ayon sa mga salita ng diwa ng propesiya; kaya nga, ito ay mangyayari alinsunod sa katotohanan. At sa gayon nagtapos ang ikalimang taon ng panunungkulan ng mga hukom.