At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikasiyam na taon, nakita ni Alma ang kasamaan ng simbahan, at nakita rin niya na ang halimbawa ng simbahan ay nagsimulang akayin yaong mga hindi naniniwala mula sa isang paggawa ng kasamaan sa isa pa, sa gayon dinadala sa pagkawasak ang mga tao.
Oo, nakita niya ang malaking hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao, iniaangat ng ilan ang kanilang sarili sa kanilang kapalaluan, hinahamak ang iba, tinatalikuran ang nangangailangan at ang hubad at yaong mga nagugutom, at yaong mga nauuhaw, at yaong mga may karamdaman at naghihirap.
Ngayon, ito ay isang malaking dahilan ng pananaghoy sa mga tao, samantalang hinahamak ng iba ang kanilang sarili, tinutulungan yaong mga nangangailangan ng kanilang tulong, katulad ng pamamahagi ng kanilang kabuhayan sa mga maralita at nangangailangan, pinakakain ang nagugutom, at nagdaranas ng lahat ng uri ng paghihirap, dahil kay Cristo, na paparito ayon sa diwa ng propesiya; Tumatanaw sa araw na yaon, sa gayon pinananatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan; na napuspos ng labis na kagalakan dahil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, alinsunod sa kalooban at kapangyarihan at pagpapalaya ni Jesucristo mula sa mga gapos ng kamatayan.