Ang Zarahemla sa Ilalim ng Pamumunong Nauukol sa Hukuman

Ang Pagtuturo ni Alma sa Zarahemla, Gideon, At Melek

Alma 5:1

Si Alma ay nagpasyang magsimulang mangaral sa Zarahemla.

Ngayon ito ay nangyari na, na si Alma ay nagsimulang ipahayag ang salita ng Diyos sa mga tao, una sa lupain ng Zarahemla, at buhat doon patungo sa lahat ng dako ng buong lupain.

Alma 6:1–4

Ang mga tao ay tumugon sa mensahe ni Alma, at ang simbahan ay lumago.

At ngayon ito ay nangyari na, nang matapos si Alma sa pagsasalita sa mga tao ng simbahan, na itinatag sa lunsod ng Zarahemla, na nag-orden siya ng mga saserdote at elder, sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanyang mga kamay alinsunod sa orden ng Diyos upang mamuno at magbantay sa simbahan. At ito ay nangyari na, na sino man ang hindi kabilang sa simbahan na mga nagsisi ng kanilang mga kasalanan ay bininyagan tungo sa pagsisisi, at tinanggap sa simbahan.

At ito rin ay nangyari na, na sino man ang kabilang sa simbahan na hindi nagsisi ng kanilang kasamaan at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos—ibig kong sabihin ay yaong mga naiangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso—ay siya ring tinanggihan, at ang kanilang mga pangalan ay binura, upang hindi mabilang ang kanilang mga pangalan sa mga yaong mabubuti. At sa gayon sinimulan nilang itatag ang kaayusan ng simbahan sa lunsod ng Zarahemla.

Alma 6:5–6

Walang sinuman ang pinagkaitan ng pribilehiyong sumamba sa Diyos.

Ngayon nais kong maunawaan ninyo na ang salita ng Diyos ay maluwag sa lahat, na walang pinagkaitan ng pribilehiyo na sama-samang tipunin ang kanilang sarili upang mapakinggan ang salita ng Diyos. Gayon pa man, ang mga anak ng Diyos ay inutusan na dapat nilang sama-samang tipunin ang kanilang sarili nang madalas, at magkaisa sa pag-aayuno at mataimtim na panalangin alang-alang sa kapakanan ng mga yaong kaluluwa na hindi nakakikilala sa Diyos.

Alma 6:7

Si Alma ay tumungo sa lambak ng Gedeon at dumalaw sa pangunahing lunsod doon.

At ngayon ito ay nangyari na, nang magawa ni Alma ang mga alituntuning ito na kanyang nilisan sila, oo, mula sa simbahan na nasa lunsod ng Zarahemla, at nagtungo sa silangan ng ilog Sidon, patungo sa lambak ng Gedeon, kung saan may itinayong lunsod, na tinawag na lunsod ng Gedeon, na nasa lambak ng tinawag na Gedeon, tinawag alinsunod sa lalaking pinatay ng kamay ni Nehor sa pamamagitan ng espada.

Alma 6:8

Si Alma ay nagsimulang mangaral sa mga tao ng Gedeon.

At si Alma ay humayo at nagsimulang ipahayag ang salita ng Diyos sa simbahang itinatag sa lambak ng Gedeon, alinsunod sa paghahayag ng katotohanan ng salitang sinabi ng kanyang mga ama, at alinsunod sa diwa ng propesiya na nasa kanya, alinsunod sa patotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos, na siyang paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga pagkakasala, at sa banal na orden kung saan siya ay tinawag. At sa gayon ito nasusulat. Amen.

Alma 8:1–2

Si Alma ay bumalik sa kanyang tahanan sa Zarahemla upang magpahinga.

At ngayon ito ay nangyari na, na si Alma ay nagbalik mula sa lupain ng Gedeon, matapos maturuan ang mga tao ng Gedeon ng maraming bagay na hindi maaaring isulat, naitatag ang kaayusan ng simbahan, alinsunod sa ginawa niya noon sa lupain ng Zarahemla, oo, siya ay nagbalik sa kanyang sariling tahanan sa Zarahemla upang ipahinga ang kanyang sarili mula sa mga gawaing isinagawa niya. At sa gayon nagtapos ang ikasiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

Alma 8:3–5

Sa mga sumunod na taon, Si Alma ay tumungo sa lupain ng Melek, at naging matagumpay sa pagtuturo ng ebanghelyo at pagtatatag ng simbahan.

At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikasampung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, si Alma ay lumisan mula roon at naglakbay patungo sa lupain ng Melek, sa kanluran ng ilog Sidon, sa kanluran sa tabi ng mga hangganan ng ilang.

At sinimulang turuan niya ang mga tao sa lupain ng Melek alinsunod sa banal na orden ng Diyos, kung saan siya ay tinawag; at sinimulang turuan niya ang mga tao sa lahat ng dako ng buong lupain ng Melek. At ito ay nangyari na, na nagtungo sa kanya ang mga tao mula sa lahat ng hangganan ng lupain na malapit sa gilid ng ilang. At nabinyagan sila na nasa lahat ng dako ng buong lupain.