At ngayon ito ay nangyari na, nang matapos si Alma sa pagsasalita sa mga tao ng simbahan, na itinatag sa lunsod ng Zarahemla, na nag-orden siya ng mga saserdote at elder, sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanyang mga kamay alinsunod sa orden ng Diyos upang mamuno at magbantay sa simbahan. At ito ay nangyari na, na sino man ang hindi kabilang sa simbahan na mga nagsisi ng kanilang mga kasalanan ay bininyagan tungo sa pagsisisi, at tinanggap sa simbahan.
At ito rin ay nangyari na, na sino man ang kabilang sa simbahan na hindi nagsisi ng kanilang kasamaan at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos—ibig kong sabihin ay yaong mga naiangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso—ay siya ring tinanggihan, at ang kanilang mga pangalan ay binura, upang hindi mabilang ang kanilang mga pangalan sa mga yaong mabubuti. At sa gayon sinimulan nilang itatag ang kaayusan ng simbahan sa lunsod ng Zarahemla.