Ang Mga Salita ni Alma sa Antionah at sa Mga tao

Saserdote Alinsunod sa Banal na Orden

Alma 13:1–2

Ang Panginoon ay nagordena ng mga saserdote alinsunod sa Anak ng Diyos upang malaman ng mga tao kung paano aasa tungo sa pagtubos.

At muli, mga kapatid ko, aking itutuon ang inyong mga isipan pabalik sa panahon nang ibigay ng Panginoong Diyos ang mga kautusang ito sa kanyang mga anak; at nais kong inyong tandaan na ang Panginoong Diyos ay nag-orden ng mga saserdote alinsunod sa kanyang banal na orden, na alinsunod sa orden ng kanyang Anak, upang ituro ang mga bagay na ito sa mga tao. At yaong mga saserdote ay inordenan alinsunod sa orden ng kanyang Anak, sa isang kaparaanang malalaman ng mga tao sa paanong paraan aasa sa kanyang Anak upang matubos.

Alma 13:3

Ang mga saserdote ay inordenan mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, at tinawag dahil sa kanilang pananampalataya at kabutihan matapos na hayaang makapamili.

At ito ang pamamaraan kung paano sila inordenan— tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig alinsunod sa kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa, dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa; sa simula pa ay hinayaang mamili sa mabuti o masama; kaya nga, sila na pumili ng mabuti, at nagpapairal ng labis na pananampalataya, ay tinatawag sa banal na tungkulin, oo, sa yaong banal na tungkulin na inihanda lakip, at naaayon sa, isang panimulang pagtubos na nauukol doon.

Alma 13:4

Ang iba ay tinanggihan ang Espiritu ng Diyos at pinatigas ang kanilang mga puso, sa gayon ay naging hindi karapat-dapat sa parehong katawagang ito.

At sa gayon sila tinawag sa banal na tungkuling ito dahil sa kanilang pananampalataya, samantalang ang iba ay tinatanggihan ang Espiritu ng Diyos dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at kabulagan ng kanilang mga isipan, samantalang, kung hindi dahil dito, sila sana ay nagkaroon ng malaking pribilehiyo na tulad ng kanilang mga kapatid.

Alma 13:5

Ang bawat isa ay nagsimula sa parehong katayuan, subalit tanging ang mga yaon na hindi pinatigas ang kanilang mga puso at namuhay sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ang tinawag.

O sa madaling salita, sa simula pa sila ay nasa gayon ding kalagayan na tulad ng kanilang mga kapatid; kung gayon, ang banal na tungkuling ito na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig ay para sa mga yaong hindi magpapatigas ng kanilang mga puso, na nasa at sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Bugtong na Anak, na inihanda—

Alma 13:6

Sila na mga inordenan ay tinawag upang magturo ng mga kautusan sa mga tao, upang sila ay makapasok sa kapahingahan ng Diyos.

At sa gayong pagkakatawag ng banal na tungkuling ito, at inordenan sa mataas na pagkasaserdote ng banal na orden ng Diyos, na ituro ang kanyang mga kautusan sa mga anak ng tao, upang sila rin ay makapasok sa kanyang kapahingahan—

Alma 13:7

Ang mataas na pagkasaserdote ay alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos, at inihanda ayon sa walang hanggang kaalaman ng Diyos.

Itong mataas na pagkasaserdote na alinsunod sa orden ng kanyang Anak, kung aling orden ay mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; o sa ibang salita, walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon, na inihanda mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, alinsunod sa kanyang kaalaman sa mula’t mula pa ng lahat ng bagay—

Alma 13:8

Ang mga saserdote ay tinawag at inordenan sa pamamagitan ng isang banal na ordinansa, kung gayon ay dinadala sa kanilang mga sarili ang walang hanggang pagkasaserdote.

Ngayon, sila ay inordenan alinsunod sa pamamaraang ito—tinawag sa banal na tungkulin, at inordenan sa banal na ordenansa, at tinataglay sa kanila ang mataas na pagkasaserdote ng banal na orden, kung aling tungkulin, at ordenansa, at mataas na pagkasaserdote, ay walang simula o katapusan—

Alma 13:9

Sa pamamagitan ng ordinansang ito, sila ay naging mga mataas na saserdote magpakailanman, alinsunod sa orden ng walang hanggang Anak ng Diyos, na puspos ng biyaya, katarungan, at katotohanan.

Sa gayon sila naging matataas na saserdote magpakailanman, alinsunod sa orden ng Anak, ang Bugtong ng Ama, na walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon, na puspos ng biyaya, katarungan, at katotohanan. At sa gayon nga ito. Amen.

Alma 13:10

Ang pananampalataya, pagsisisi, at katuwiran ay ibinibilang sa mga yaong inordenan na maging matataas na saserdote ng diyos.

Ngayon, tulad ng sinabi ko hinggil sa banal na orden, o sa mataas na pagkasaserdoteng ito, marami na ang naordenan at naging matataas na saserdote ng Diyos; at ito ay dahil sa kanilang labis na pananampalataya at pagsisisi, at sa kanilang kabutihan sa harapan ng Diyos, sila na pumipiling magsisi at gumawa ng kabutihan kaysa sa masawi;

Alma 13:11

Ang mga saserdote ay tinawag, pinabanal, at pinadalisay.

Kaya nga, sila ay tinawag alinsunod sa banal na orden na ito, at pinabanal, at ang kanilang mga kasuotan ay nahugasang maputi sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.

Alma 13:12

Bilang mga napabanal at napadalisay, kinasusuklaman ng mga saserdote ang kasalanan at pumapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Ngayon sila, matapos na pabanalin ng Espiritu Santo, na ginawang maputi ang kanilang mga kasuotan, mga dalisay at walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos, ay hindi makatitingin sa kasalanan maliban nang may kapootan; at marami, labis na napakarami, ang ginawang dalisay at nakapasok sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos.