Ngayon, kung hindi dahil sa plano ng pagtubos, na inilatag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, hindi sana magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ang mga patay; ngunit may isang plano ng pagtubos na inilatag, na magpapangyari sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, na sinasabi.
At ngayon masdan, kung nangyari lamang na ang ating mga unang magulang ay nakahayo at nakakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay, sila sana ay naging kaaba-aba magpakailanman, walang pagkakataong makapaghanda; at kung nagkagayon, ang plano ng pagtubos ay nahadlangan; at ang salita ng Diyos ay nawalang-saysay at nawalan ng bisa.
Subalit masdan, ito ay hindi gayon; kundi itinakda sa tao na sila ay kailangang mamatay; at pagkatapos ng kamatayan, sila ay haharap sa paghuhukom, maging katulad ng paghuhukom na aming sinabi, na siyang katapusan.
At matapos itakda ng Diyos na ang mga bagay na ito ay sasapit sa tao, masdan, pagkatapos nakita niya na kapaki-pakinabang na malaman ng tao ang hinggil sa mga bagay na kanyang itinakda para sa kanila; Kaya nga, siya ay nagsugo ng mga anghel upang makipag-usap sa kanila, na siyang naging daan na mamasdan ng tao ang kanyang kaluwalhatian.
At sila ay nagsimula buhat sa panahong yaon na manawagan sa kanyang pangalan; anupa’t ang Diyos ay nakipag-usap sa mga tao, at ipinaalam sa kanila ang plano ng pagtubos na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig; at ito ay ipinaalam niya sa kanila alinsunod sa kanilang pananampalataya at pagsisisi at sa kanilang mga banal na gawa.
Kaya nga, siya ay nagbigay ng mga kautusan sa mga tao, sila na unang lumabag sa mga unang kautusan ukol sa mga bagay na temporal, at naging katulad ng mga diyos, nalalaman ang mabuti sa masama, na inilalagay ang kanilang sarili sa kalagayang makakilos, o nasa sa isang kalagayang makakikilos alinsunod sa kanilang mga kagustuhan at kasiyahan, kung gagawa ng masama o gagawa ng mabuti—
Anupa’t ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos, upang hindi sila gumawa ng masama, ang parusa niyon ay ikalawang kamatayan, na isang walang hanggang kamatayan, sa mga bagay na nauukol sa kabutihan; sapagkat sa mga gayon, ang plano ng pagtubos ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan, sapagkat ang mga gawa ng katarungan ay hindi mawawasak, alinsunod sa dakilang kabutihan ng Diyos.
Datapwat ang Diyos ay nanawagan sa mga tao, sa pangalan ng kanyang Anak, (ito bilang plano ng pagtubos na inilatag) sinasabing:
Kung kayo ay magsisisi, at hindi patitigasin ang inyong mga puso,
sa gayon, ako ay maaawa sa inyo,
sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak;
Kaya nga, ang sinumang magsisisi, at hindi patitigasin ang kanyang puso, siya ay magkakaroon ng pag-angkin sa awa sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak, sa ikapagpapatawad ng kanyang mga kasalanan; at sila ay papasok sa aking kapahingahan. At ang sinumang magpapatigas ng kanyang puso at gagawa ng kasamaan, masdan, isinusumpa ko sa aking kapootan na siya ay hindi makapapasok sa aking kapahingahan.
At ngayon, aking mga kapatid, masdan, sinasabi ko sa inyo na kung inyong patitigasin ang inyong mga puso, kayo ay hindi makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon; kaya nga, ang inyong kasamaan ang magbubunsod sa kanya na kanyang ipadama ang kanyang poot sa inyo, kagaya ng unang pagkakabunsod, oo, alinsunod sa kanyang salita sa huling pagkakabunsod kagaya noong una, tungo sa walang hanggang pagkawasak ng inyong mga kaluluwa; anupa’t, alinsunod sa kanyang salita, hanggang sa huling pagkamatay kagaya rin noong una.
At ngayon, aking mga kapatid, nakikitang nalalaman namin ang mga bagay na ito, at ang mga yaon ay totoo, tayo ay magsisi, at huwag patigasin ang ating mga puso, upang hindi natin mabunsuran ang Panginoon nating Diyos na ipadama sa atin ang kanyang poot dito sa kanyang pangalawang kautusan na ibinigay sa atin; kundi pumasok tayo sa kapahingahan ng Diyos, na inihanda ayon sa kanyang salita.