Ang Ministeryo ni Alma sa Ammonihah

Pakikipagkita Kay Amulek

Alma 8:18

Si Alma ay nagbalik sa Ammonihas, sa panahong ito ay tumungo sa ibang daan.

Ngayon ito ay nangyari na, na matapos matanggap ni Alma ang kanyang mensahe mula sa anghel ng Panginoon ay mabilis siyang bumalik sa lupain ng Ammonihas. At pinasok niya ang lunsod sa ibang daan, oo, sa daan na nasa timog ng lunsod ng Ammonihas.

Alma 8:19

Nang siya ay papasok sa lunsod, nakasalubong niya ang isang lalaki at humingi sa kanya ng makakain.

At nang pasukin niya ang lunsod siya ay nagugutom, at sinabi niya sa isang lalaki:

Maaari ka bang magbigay sa isang hamak na
tagapaglingkod ng Diyos ng kahit anong makakain?

Alma 8:20

Sinabi ng lalaki kay Alma na isang anghel ang nagsabi sa kanya na tanggapin ang isang propeta—nakilala niyang si Alma ang propeta.

At ang lalaki ay nagsabi sa kanya:

Ako ay isang Nephita, at nalalaman kong isa kang banal na propeta ng Diyos, sapagkat ikaw ang lalaking sinabi ng anghel sa isang pangitain:

‘Tanggapin mo.’

Kaya nga, sumama sa akin sa aking tahanan, at ibabahagi ko sa iyo ang aking pagkain; at nalalaman kong ikaw ay magiging pagpapala sa akin at sa aking sambahayan.

Alma 8:21–22

Ang pangalan ng lalaki ay Amulek; siya at si Alma ay masayang kumain na magkasama.

At ito ay nangyari na, na siya ay tinanggap ng lalaki sa kanyang tahanan; at ang lalaki ay tinatawag na Amulek; at kanyang inilabas ang tinapay at karne at inihain sa harapan ni Alma. At ito ay nangyari na, na si Alma ay kumain ng tinapay at nabusog; at kanyang binasbasan si Amulek at ang kanyang sambahayan, at nagbigay-pasalamat siya sa Diyos.

Alma 8:23–26

Ipinaliwanag ni Alma kay Amulek na siya ay may mga gawaing gagawin na mula sa Diyos, at na ang mga tao ng Ammonihas ay tinanggihan siya, at na siya ay kinakailangang bumalik.

At matapos niyang kumain at mabusog ay sinabi niya kay Amulek:

Ako si Alma, at ako ang mataas na saserdote ng simbahan ng Diyos sa buong lupain. At masdan, ako ay tinawag upang ipangaral ang salita ng Diyos sa lahat ng taong ito, alinsunod sa diwa ng paghahayag at propesiya; at ako ay nasa lupaing ito, at tumanggi silang tanggapin ako, sa halip ako ay itinaboy nila at ako ay handa na sanang tumalikod sa lupaing ito magpakailanman.

Subalit masdan, ako ay inutusan na ako ay nararapat na muling bumalik at magpropesiya sa mga taong ito, oo, at magpatotoo laban sa kanila hinggil sa kanilang mga kasamaan.

At ngayon, Amulek, dahil sa ako’y pinakain at tinanggap ako, ikaw ay pinagpala; sapagkat ako ay nagugutom, sapagkat nag-ayuno ako ng maraming araw.

Alma 8:27–29

Si Alma at si Amulek ay magkasamang naghanda sa loob ng maraming araw—ang Panginoon pagkatapos ay nagsabi kay Alma na papangyarihing isama si Amulek sa pangangaral sa mga tao.

At si Alma ay namalagi ng maraming araw kina Amulek bago siya nagsimulang mangaral sa mga tao. At ito ay nangyari na, na ang mga tao ay naging higit na nalulong sa kanilang mga kasamaan. At ang salita ay dumating kay Alma, sinasabing:

Humayo; at sinasabi rin sa aking tagapaglingkod na si Amulek, humayo at magpropesiya sa mga taong ito, sinasabing—

‘Magsisi kayo, sapagkat ganito ang wika ng Panginoon:

maliban kung magsisisi
kayo ay parurusahan ko ang mga taong ito sa aking galit;

oo, at hindi ko
iwawaksi ang aking masidhing galit.’