Ang Mga Salita ni Alma sa Kanyang Anak na si Corianton

Ang Pagkakasala ni Korianton

Alma 39:1–4

Pinagsabihan ni Alma si Corianton dahil sa iniwan niya ang mga misyonero at tumakbo papunta sa isang patutot na si Isabel.

At ngayon, aking anak na lalaki, kahit paano, ako ay may higit pang sasabihin sa iyo, kaysa sa sinabi ko sa iyong kapatid; sapagkat masdan, hindi mo ba napuna ang katatagan ng iyong kapatid, ang kanyang katapatan, at ang kanyang pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? Masdan, siya ba ay hindi nagbigay ng magandang halimbawa sa iyo?

Sapagkat hindi mo binigyan ng higit na pansin ang aking mga salita, kagaya ng iyong kapatid, sa mga tao ng mga Zoramita. Ngayon, ito ang nasasaloob ko laban sa iyo; ikaw ay patuloy na nagmamalaki sa iyong lakas at sa iyong karunungan.

At hindi lamang ito, anak ko, iyong ginawa yaong nakasasakit sa akin, sapagkat iyong tinalikuran ang ministeryo, at nagtungo sa lupain ng Siron sa mga hangganan ng mga Lamanita sa pagsunod sa patutot na si Isabel. Oo, kanyang naakit ang mga puso ng marami; ngunit ito ay hindi sapat na dahilan para sa iyo, anak ko. Dapat na nagsilbi ka sa ministeryo na siyang ipinagkatiwala sa iyo.

Alma 39:5–6

Ang pangangalunya ay isa sa mga malubhang kasalanan.

Hindi mo ba alam, anak ko, na ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon; oo, pinakakarumal-dumal sa lahat ng kasalanan maliban sa pagpapadanak ng dugo ng walang malay o sa pagtatatwa sa Espiritu Santo? Sapagkat masdan, kung iyong itatatwa ang Espiritu Santo na minsan ay nagkaroon ng puwang sa iyo, at alam mong itinatwa mo ito, masdan, ito ay isang kasalanang walang kapatawaran; oo, at ang sinumang pumaslang na salungat sa liwanag at kaalamang ibinigay ng Diyos, hindi magiging madali para sa kanya ang magkamit ng kapatawaran; oo, sinasabi ko sa iyo, aking anak, na hindi madali para sa kanya ang makatanggap ng kapatawaran.

Alma 39:7–8

Ginawa ito ni Alma para sa kabutihan ni Corianton.

At ngayon, anak ko, hinihiling ko sa Diyos na ikaw ay hindi sana nagkasala ng gayong kabigat na kasalanan. Hindi ko tutukuyin ang iyong mabibigat na kasalanan upang saktan ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti. Ngunit masdan, hindi mo maaaring itago ang iyong mabibigat na kasalanan sa Diyos; at maliban kung ikaw ay magsisisi, ang mga ito ay tatayo bilang patotoo laban sa iyo sa huling araw.

Alma 39:9–11

Hinimok ni Alma si Corianton na huwag magpadala sa mga bagay na nauukol sa laman, mga walang kabuluhan at hangal na bagay.

Ngayon anak ko, nais ko na ikaw ay magsisi at talikuran ang iyong mga kasalanan, at huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata, kundi pigilin mo ang iyong sarili sa mga bagay na ito; sapagkat maliban kung gagawin mo ito ay hindi ka sa ano mang paraan magmamana ng kaharian ng Diyos. O, pakatandaan, at iyong isaloob, at pigilin ang iyong sarili sa lahat ng bagay na ito.

At iniuutos ko sa iyo na iyong isaloob na sumangguni sa iyong mga nakatatandang kapatid sa iyong mga gawain; sapagkat masdan, ikaw ay nasa iyong kabataan, at ikaw ay nangangailangang alagaan ng iyong mga kapatid. At makinig ka sa kanilang mga payo.

Huwag pahintulutan ang iyong sarili na maakay sa anumang walang halaga o hangal na bagay; huwag pahintulutan na ang diyablo ay muling akayin ang iyong puso na humabol doon sa masasamang patutot. Masdan, o anak ko, anong laking kasamaan ang dinala mo sa mga Zoramita; sapagkat nang makita nila ang iyong inaasal ay hindi sila naniwala sa aking mga salita.

Alma 39:12–14

Ang Espiritu ay nagsabi kay Alma na turuan ang kanyang mga anak ng mabubuting alituntunin.

At ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa akin:

Utusan ang iyong mga anak na gumawa ng mabuti,
at baka maakay nila ang mga puso ng maraming tao sa pagkawasak;
kaya nga, iniuutos ko sa iyo, anak ko, nang may takot sa Diyos,
na ikaw ay tumigil sa iyong mga kasamaan;

Na ikaw ay bumaling sa Panginoon nang buo mong pag-iisip, kakayahan at lakas; na huwag mo nang akayin pa ang puso ng sinuman na gumawa ng kasamaan; sa halip, ikaw ay bumalik sa kanila, at kilalanin ang iyong mga pagkakasala at kamaliang iyong nagawa. Huwag kang maghangad ng kayamanan ni ng mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito; sapagkat masdan, hindi mo ito madadala.