Ngayon sinasabi ko sa inyo na kayo ay kinakailangang magsisi, at isilang na muli; sapagkat ang Espiritu ay nagsabi na kung kayo ay hindi isisilang na muli ay hindi ninyo maaaring manahin ang kaharian ng langit; kaya nga halina at magpabinyag tungo sa pagsisisi, upang kayo ay mahugasan mula sa inyong mga kasalanan, upang kayo ay magkaroon ng pananampalataya sa Kordero ng Diyos, na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, na may kapangyarihang makapagligtas at maglinis sa lahat ng kasamaan.
Oo, sinasabi ko sa inyo, halina at huwag matakot, at isantabi ang lahat ng kasalanan, na madaling lumiligalig sa inyo, na gumagapos sa inyo sa pagkawasak, oo, halina at humayo, at patunayan sa inyong Diyos na kayo ay nakahandang magsisi ng inyong mga kasalanan at makipagtipan sa kanya na susundin ang kanyang mga kautusan, at patunayan ito sa kanya sa araw na ito sa pamamagitan ng pagtungo sa mga tubig ng pagbibinyag.
At sino man ang gagawa nito, at susunod sa mga kautusan ng Diyos magmula ngayon, siya rin ay makatatanda na ako ay nagsabi sa kanya, oo, matatandaan niya na ako ay nagsabi sa kanya, na siya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, ayon sa patotoo ng Banal na Espiritu, na nagpapatotoo sa akin.