Ngayon sinasabi ko sa inyo na kayo ay kinakailangang magsisi, at isilang na muli; sapagkat ang Espiritu ay nagsabi na kung kayo ay hindi isisilang na muli ay hindi ninyo maaaring manahin ang kaharian ng langit; kaya nga halina at magpabinyag tungo sa pagsisisi, upang kayo ay mahugasan mula sa inyong mga kasalanan, upang kayo ay magkaroon ng pananampalataya sa Kordero ng Diyos, na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, na may kapangyarihang makapagligtas at maglinis sa lahat ng kasamaan.
Oo, sinasabi ko sa inyo, halina at huwag matakot, at isantabi ang lahat ng kasalanan, na madaling lumiligalig sa inyo, na gumagapos sa inyo sa pagkawasak, oo, halina at humayo, at patunayan sa inyong Diyos na kayo ay nakahandang magsisi ng inyong mga kasalanan at makipagtipan sa kanya na susundin ang kanyang mga kautusan, at patunayan ito sa kanya sa araw na ito sa pamamagitan ng pagtungo sa mga tubig ng pagbibinyag.
At sino man ang gagawa nito, at susunod sa mga kautusan ng Diyos magmula ngayon, siya rin ay makatatanda na ako ay nagsabi sa kanya, oo, matatandaan niya na ako ay nagsabi sa kanya, na siya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, ayon sa patotoo ng Banal na Espiritu, na nagpapatotoo sa akin.
At ngayon mga minamahal kong kapatid, kayo ba ay naniniwala sa mga bagay na ito? Masdan, sinasabi ko sa inyo, oo, nalalaman ko na kayo ay naniniwala sa mga ito; at ang paraan kung kaya’t nalaman ko na kayo ay naniniwala sa mga ito ay sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Espiritu na nasa akin. At ngayon dahil ang inyong pananampalataya ay malakas hinggil dito, oo, hinggil sa mga bagay na sinabi ko, lubos ang aking kagalakan.
Sapagkat tulad ng sinabi ko sa inyo mula pa sa simula, na ako ay may labis na pagnanais na kayo ay wala sa kakila-kilabot na kalagayan na tulad ng inyong mga kapatid, maging sa nalaman ko na ang aking mga naisin ay ipinagkaloob.
Sapagkat nahihiwatigan ko na kayo ay nasa mga landas ng kabutihan;
nahihiwatigan kong kayo ay nasa landas
na patungo sa kaharian ng Diyos;
Oo, nahiwatigan ko na ginagawa ninyong tuwid ang kanyang mga landas.
Nahihiwatigan ko na ito ay ipinaalam sa inyo,
sa pamamagitan ng patotoo ng kanyang salita,
Na hindi siya makalalakad sa paliku-likong landas.
Ni nagbabagu-bago siya mula sa mga yaong sinabi niya.
Ni siya ay may anino ng pagliko mula sa kanan patungo sa kaliwa,
o mula sa yaong tama tungo sa yaong mali;
Anupa’t ang kanyang hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot.
At hindi siya nananahanan sa mga templong hindi banal; ni ang karumihan o ano mang bagay na hindi malinis ay tanggapin sa kaharian ng Diyos; kaya nga sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon, oo, at ito ay sa huling araw, na siya na marumi ay mananatili sa kanyang karumihan.