At ngayon, anak ko, nais kong maunawaan mo na ang mga bagay na ito ay hindi sa walang kahalintulad; sapagkat yayamang naging tamad ang ating mga ama sa pagbibigay-pansin sa aguhong ito (ngayon, ang mga bagay na ito ay temporal) sila ay hindi umunlad; maging sa mga bagay na espirituwal.
Sapagkat masdan, kasindali ng pagbibigay-pansin sa salita ni Cristo, na magtuturo sa iyo sa tuwid na daan patungo sa walang hanggang kaligayahan, gayon din para sa ating mga ama na bigyang-pansin ang aguhong ito, na nagturo sa kanila sa tuwid na daan patungo sa lupang pangako.
At ngayon sinasabi ko, hindi ba’t may pagkakahalintulad sa mga bagay na ito? Sapagkat kasintiyak na inakay ng tagagabay na ito ang ating mga ama, sa pamamagitan ng pagsunod sa pagkilos nito, patungo sa lupang pangako, na ang mga salita ni Cristo, kung susundin natin ang mga aral nito, ay dadalhin tayo sa kabila nitong lambak ng kalungkutan tungo sa higit na mainam na lupang pangako.