Ang Mga Salita ni Alma sa Kanyang Anak na si Helaman

Mga Tagubilin Kay Helaman Bilang Pinuno

Alma 37:32–34

Sinabi ni Alma kay Helaman na turuan ang mga tao tungkol kay Jesukristo.

At ngayon, anak ko, tandaan ang mga salitang
sinabi ko sa iyo;
huwag ipagkatiwala yaong mga lihim na plano sa mga taong ito,
sa halip ituro sa kanila ang walang hanggang pagkapoot laban sa kasalanan at kasamaan.

Ipangaral sa kanila ang pagsisisi,
at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo;
turuan silang magpakumbaba ng kanilang sarili
at maging maamo at mapagpakumbaba sa puso;

Turuan silang paglabanan ang bawat tukso ng diyablo
sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Turuan silang kailanma’y huwag manghinawa sa mabubuting gawa,
kundi maging maamo at magpakumbaba sa puso.

Sapagkat ang gayon ay makasusumpong ng kapahingahan sa kanilang mga kaluluwa.

Alma 37:35–37

Sundin ang mga kautusan, at makipagsanggunian sa Diyos.

O, pakatandaan, anak ko, at matuto ng karunungan sa iyong kabataan;
oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.
Oo, at magsumamo sa Diyos para sa lahat ng iyong pangangailangan;
oo, hayaang ang lahat ng iyong gawain ay para sa Panginoon,
at saan ka man magtungo ay hayaang sa Panginoon;
oo, lahat ng iyong nasasaisip ay ituon sa Panginoon;
oo, ang pagmamahal sa iyong puso
ay mapasa-Panginoon magpakailanman.

Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain,
at gagabayan ka niya sa kabutihan;
oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi,
mahiga sa Panginoon,
upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog;
at kapag ikaw ay bumangon sa umaga
hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos;
at kung gagawin mo ang mga bagay na ito,
ikaw ay dadakilain sa huling araw.

Alma 37:38–40

Pinaalalahanan ni Alma si Helaman tungkol sa Liahona, at kung paano ginabayan nito si Lehi at ang kanyang pamilya.

At ngayon, anak ko, ako ay may sasabihin kahit paano hinggil sa bagay na tinatawag ng ating mga ama na isang bola, o tagagabay—o kung tawagin ito ng ating mga ama ay Liahona, na sa pagkakasalin, ay isang aguhon; at inihanda ito ng Panginoon. At masdan, walang sino mang tao ang maaaring makagawa alinsunod sa kahanga-hangang pagkakagawa nito. At masdan, ito ay inihanda upang ipakita sa ating mga ama ang daan kung saan sila nararapat maglakbay sa ilang.

At kumilos ito para sa kanila alinsunod sa kanilang pananampalataya sa Diyos; kaya nga, kung sila ay may pananampalatayang maniwala na magagawa ng Diyos na ipaturo sa yaong mga ikiran ang daan na kanilang nararapat patunguhan, masdan, ito’y naganap; anupa’t taglay nila ang himalang ito, at marami pa ring himala ang naisagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa araw-araw.

Alma 37:41–42

Dahil sa pagiging payak ng Liahona, ang iba ay nawalan ng pananampalataya, at dahil dito ay naligaw ng landas.

Gayon pa man, dahil sa mga yaong himalang nagawa sa maliit na pamamaraan na nagpakita ito sa kanila ng mga nakapanggigilalas na gawain. Sila ay naging mga tamad, at nakalimot na pairalin ang kanilang pananampalataya at pagiging masigasig at sa gayon tumigil yaong nakapanggigilalas na gawain, at hindi sila sumulong sa kanilang paglalakbay;

Kaya nga, sila ay namalagi sa ilang, o hindi nakapaglakbay sa isang tuwid na daan, at nagdanas ng gutom at uhaw, dahil sa kanilang mga pagkakasala.

Alma 37:43–45

Ang kasaysayan ay nauulit, at maraming mga tao sa hinaharap ang mawawalan ng pananampalataya at mangaliligaw.

At ngayon, anak ko, nais kong maunawaan mo na ang mga bagay na ito ay hindi sa walang kahalintulad; sapagkat yayamang naging tamad ang ating mga ama sa pagbibigay-pansin sa aguhong ito (ngayon, ang mga bagay na ito ay temporal) sila ay hindi umunlad; maging sa mga bagay na espirituwal.

Sapagkat masdan, kasindali ng pagbibigay-pansin sa salita ni Cristo, na magtuturo sa iyo sa tuwid na daan patungo sa walang hanggang kaligayahan, gayon din para sa ating mga ama na bigyang-pansin ang aguhong ito, na nagturo sa kanila sa tuwid na daan patungo sa lupang pangako.

At ngayon sinasabi ko, hindi ba’t may pagkakahalintulad sa mga bagay na ito? Sapagkat kasintiyak na inakay ng tagagabay na ito ang ating mga ama, sa pamamagitan ng pagsunod sa pagkilos nito, patungo sa lupang pangako, na ang mga salita ni Cristo, kung susundin natin ang mga aral nito, ay dadalhin tayo sa kabila nitong lambak ng kalungkutan tungo sa higit na mainam na lupang pangako.

Alma 37:46–47

Nagtapos si Alma sa paghihimok kay Helaman na maging masigasig sa pagsasabuhay at pangangaral ng ebanghelyo.

O anak ko, huwag tayong maging mga tamad dahil sa kadalian ng daan; sapagkat gayon din ito sa ating mga ama; sapagkat sa gayon ito inihanda para sa kanila, na kung sila ay titingin ay mabubuhay sila; gayon din ito sa atin. Ang daan ay inihanda, at kung tayo ay titingin maaari tayong mabuhay magpakailanman.

At ngayon, anak ko, tiyaking pangangalagaan mo ang mga banal na bagay na ito, oo, tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay. Humayo sa mga taong ito at ipahayag ang salita, at maging mahinahon. Anak ko, paalam.