Ang Zarahemla sa Ilalim ng Pamumunong Nauukol sa Hukuman

Paguusig sa Relihiyon

Alma 1:16–18

Kahit wala na si Nehor, ang huwad na pagkasaserdote at mga huwad na turo ay lumaganap sa lupain.

Gayon pa man, hindi nito nawakasan ang paglaganap ng huwad na pagkasaserdote sa lupain; sapagkat marami ang nagmamahal sa mga bagay na walang kabuluhan ng daigdig, at humayo silang nangangaral ng mga maling doktrina; at ito ay ginawa nila dahil sa mga kayamanan at karangalan.

Gayon pa man, hindi sila nangahas na magsinungaling, kung ito ay malalaman, dahil sa takot sa batas, sapagkat ang mga sinungaling ay pinarurusahan; anupa’t sila ay nagkunwaring ipinangangaral ang naaayon sa kanilang paniniwala; at ngayon, ang batas ay walang kapangyarihan sa sino mang tao dahil sa kanyang paniniwala. At hindi sila nangahas na magnakaw, dahil sa takot sa batas, sapagkat ang gayon ay pinarurusahan; ni ang mangahas silang manloob, ni pumaslang, sapagkat siya na pumapaslang ay pinarurusahan hanggang kamatayan.

Alma 1:19–20

Ang mga hindi miyembro ay nagsimulang usigin ang mga miyembro ng simbahan.

Subalit ito ay nangyari na, na sino mang hindi nabibilang sa simbahan ng Diyos ay nagsimulang usigin ang mga yaong nabibilang sa simbahan ng Diyos, at tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo.

Oo, kanilang inusig sila, at sinaktan sila sa pamamagitan ng lahat ng uri ng pananalita, at ito ay dahil sa kanilang kapakumbabaan; sapagkat hindi sila palalo sa kanilang sariling paningin, at dahil sa ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa isa’t isa, nang walang salapi at walang bayad.

Alma 1:21–22

Sa kabila ng mga patakaran sa simbahan na nagbabawal sa mga kasapi na usigin ang mga hindi kasapi, ilang mga kasapi parin ang gumaganti.

Ngayon may isang mahigpit na batas sa mga tao ng simbahan, na walang sino mang tao, na nabibilang sa simbahan, ang magpapasimuno at uusig sa mga yaong hindi nabibilang sa simbahan, at nararapat na walang pag-uusig sa kanila.

Gayon pa man, marami sa kanila ang nagsimulang maging palalo, at nagsimulang mainit na makipagtalo sa kanilang mga katunggali, maging hanggang sa paghahatawan; oo, sinusuntok nila ang isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga kamao.

Alma 1:23–24

Dahil sa mga pagtatalo, maraming mga tao ang umalis sa simbahan o natiwalag.

Ngayon, ito ay sa ikalawang taon ng panunungkulan ni Alma, at ito ang naging dahilan ng labis na paghihirap ng simbahan; oo, ito ang naging dahilan ng labis na pagsubok ng simbahan.

Sapagkat ang mga puso ng karamihan ay tumigas, at ang kanilang mga pangalan ay binura, kung kaya’t hindi na muli silang inaalaala pa sa mga tao ng Diyos. At marami rin ang inilayo ang kanilang sarili mula sa kanila.