Ang Mga Turo ni Amulek sa Mga Zoramita

Pananampalataya Tungo sa Pagsisisi

Alma 34:17-25

Pairalin ang pananampalataya tungo sa pagsisisi, patuloy na nananalangin para sa awa, humihingi ng mga pagpapala kahit na ito ay para sa inyong mga temporal na mga layunin.

Kaya nga, ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos, mga kapatid ko, na kayo ay magsimulang magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi, upang kayo ay magsimulang manawagan sa kanyang banal na pangalan, upang siya ay maawa sa inyo;

Oo, magsumamo sa kanya ng awa;

Sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas.

Oo, magpakumbaba ng inyong sarili,
at magpatuloy ng pagdalangin sa kanya.

Magsumamo kayo sa kanya kung kayo ay nasa inyong mga bukid,
oo, para sa lahat ng inyong mga kawan.

Magsumamo kayo sa kanya sa inyong mga tahanan,
oo, para sa buong sambahayan ninyo;
maging umaga, tanghali, at gabi.

Oo, magsumamo kayo sa kanya laban sa diyablo,
na siyang kaaway ng lahat ng kabutihan.

Magsumamo kayo sa kanya para sa mga pananim ng inyong mga bukid,
upang kayo ay umunlad sa mga yaon.

Magsumamo kayo para sa mga kawan ng inyong mga bukid
upang sila ay dumami.

Alma 34:26

Manalangin ng lihim.

Ngunit hindi lamang ito; kailangan ninyong ibuhos ang inyong mga kaluluwa sa inyong mga silid, at sa inyong mga lihim na lugar, at sa inyong mga ilang.

Alma 34:27

Dalhin ang panalangin sa inyong puso para sa iyong sarili at para sa iba pa.

Oo, at kung hindi kayo nagsusumamo sa Panginoon, hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa inyong kapakanan, at para rin sa kapakanan nila na nasa paligid ninyo.

Alma 34:28

Ang panalangin ay walang saysay maliban kung ito ay may kasamang paglilingkod sa iba.

At ngayon masdan, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong akalain na ito na ang lahat; sapagkat matapos ninyong magawa ang lahat ng bagay na ito, kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon, sa mga yaong nangangailangan—sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo gagawin ang alinman sa mga bagay na ito, masdan, ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon.

Alma 34:29

Ang inyong pagkakarapat-dapat ay nakasalalay sa inyong pagalala na maging mapagmahal sa kapwa.

Kaya nga, kung hindi ninyo pakatatandaan na maging mapagmahal sa kapwa, kayo ay katulad ng taing bakal, na itinapon ng naglalantay (ito bilang walang halaga) at niyayapakan sa ilalim ng mga paa ng tao.