Ang Mga Turo ni Amulek sa Mga Zoramita

Ang Araw ng Kaligtasan

Alma 34:30

Dahil sa pagkakaroon ng maraming saksi, lumapit at mamunga ng bunga ng pagsisisi.

At ngayon, aking mga kapatid, nais ko, na matapos kayong makatanggap ng napakaraming saksi, nakikita na ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo sa mga bagay na ito, kayo ay lumapit at mamunga ng bunga ng pagsisisi.

Alma 34:31

Ang araw ng inyong kaligtasan ay ngayon, pagpapakumbaba at pagsisisi ang agarang magdadala ng plano ng pagtubos.

Oo, nais ko na kayo ay lumapit at huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso; sapagkat masdan, ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan; at kaya nga, kung kayo ay magsisisi at hindi patitigasin ang inyong mga puso, kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.

Alma 34:32

Ang buhay na ito ang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos.

Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain.

Alma 34:33

Huwag ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.

At ngayon, kagaya ng sinabi ko sa inyo noon, sapagkat mayroon kayong napakaraming saksi, kaya nga, ako ay sumasamo sa inyo na huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi hanggang sa wakas; sapagkat pagkatapos ng araw na ito ng buhay, na ibinigay sa atin upang maghanda para sa kawalang-hanggan, masdan, kung hindi natin pagbubutihin ang ating panahon habang nasa buhay na ito, kung magkagayon ay darating ang gabi ng kadiliman kung saan ay maaaring wala nang gawaing magagawa.

Alma 34:34

Ang susunod na buhay ay hindi panahon upang magsisi: ang parehong makasalanang espiritu sa buhay na ito ay mananatiling gayun sa susunod.

Hindi ninyo maaaring sabihin, kapag kayo ay dinala sa yaong kakila-kilabot na kagipitan, na ako ay magsisisi, na ako ay babalik sa aking Diyos. Hindi, hindi ninyo maaaring sabihin ito; sapagkat yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang may kapangyarihan na angkinin ang inyong katawan sa walang hanggang daigdig na yaon.

Alma 34:35

Ang pagpapaliban sa pagsisisi ang maghihiwalay sa iyo mula sa Espiritu ng Diyos, at tatatakan ka sa Diyablo.

Sapagkat masdan, kung inyong ipinagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi magpahanggang sa kamatayan, masdan, kayo ay napasakop sa espiritu ng diyablo, at tatatakan niya kayo na kanya; anupa’t ang Espiritu ng Panginoon ay lumisan sa inyo, at walang puwang sa inyo, at ang diyablo ay may buong kapangyarihan sa inyo; at ito ang pangwakas na kalagayan ng masasama.

Alma 34:36

Ang Diyos ay nananahan sa mga puso ng mabubuti; ang dugo ng Kordero ay maglilinis sa mabubuti, na may permanenteng lugar sa kaharian ng Diyos.

At ito ay alam ko, sapagkat sinabi ng Panginoon na hindi siya tumatahan sa mga hindi banal na templo, kundi sa mga puso ng mabubuti siya tumatahan; oo, at sinabi rin niya na ang mabubuti ay mauupo sa kanyang kaharian, upang hindi na muling lumabas pa; kundi ang kanilang mga kasuotan ay gagawing maputi sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.