Subalit masdan, may mga nagagalak sa inyong mga paghihirap, oo, kung kaya’t sila ay nagsipag-aklas sa paghihimagsik laban sa akin, at gayon din sa mga yaong aking tao na mga freemen, oo, at ang mga yaong naghimagsik ay napakarami.
At ang mga yaong naghahangad na kunin ang hukumang-lulukan mula sa akin ang dahilan ng labis na kasamaang ito; sapagkat sila ay gumamit ng labis na panghihibok, at naakay nila palayo ang mga puso ng maraming tao, na magiging dahilan ng masidhing paghihirap natin; ipinagkait nila ang ating mga pagkain, at tinakot ang ating mga freemen upang hindi sila magtungo sa inyo.
At masdan, itinaboy nila ako mula sa kanilang harapan, at ako ay tumakas patungo sa lupain ng Gedeon, kasama ang kasindami ng mga tauhang nagawa kong makuha.
At masdan, ako ay nagpadala ng pahayag sa bahaging ito ng lupain; at masdan, nagtitipun-tipon sila sa amin sa araw-araw, nang nasasandatahan, sa pagtatanggol ng kanilang bayan at kanilang kalayaan, at ipaghiganti ang ating mga kaapihan. At sila ay nagtungo sa amin, hanggang sa ang mga yaong nagsipag-aklas sa paghihimagsik laban sa amin ay nalagay sa pangamba, oo, hanggang sa natakot sila sa amin at hindi sila nagtangkang sumalakay laban sa amin upang makidigma.
Sinakop nila ang lupain, o ang lunsod ng Zarahemla; sila ay naghirang ng hari sa kanila, at siya ay sumulat sa hari ng mga Lamanita, kung saan siya ay nakipagkasundo sa kanya; kung saang kasunduan ay sumang-ayon siyang pangalagaan ang lunsod ng Zarahemla, kung aling pangagalaga ay inaakala niyang makakaya na ng mga Lamanita ang sakupin ang nalalabing lupain, at siya ang iluluklok na hari sa mga taong ito kapag nasakop na sila ng mga Lamanita.
At ngayon, sa iyong liham ay hinatulan mo ako, subalit hindi ito mahalaga; hindi ako nagagalit, kundi nagagalak sa kadakilaan ng iyong puso. Ako, si Pahoran, ay hindi naghahangad ng kapangyarihan, maliban lamang na mapanatili ko ang aking hukumang-luklukan upang mapangalagaan ko ang mga karapatan at kalayaan ng aking mga tao. Ang aking kaluluwa ay di matitinag sa kalayaang yaon kung san tayo ginawang malaya ng Diyos.
At ngayon, masdan, lalabanan natin ang kasamaan maging hanggang sa pagpapadanak ng dugo. Hindi natin padadanakin ang dugo ng mga Lamanita kung sila ay mananatili sa kanilang sariling lupain. Hindi natin padadanakin ang dugo ng ating mga kapatid kung hindi sila mag-aaklas sa paghihimagsik at humawak ng espada laban sa atin.
Masdan, ako ay nagpadala ng kaunting pagkain sa kanila, upang hindi sila masawi hanggang sa makarating ka rito sa akin. Mangalap ka ng mga tauhan na makakaya mo habang nagtutungo ka rito, at mabilis tayong sasalakay sa mga tumiwalag na yaon, sa lakas ng ating Diyos alinsunod sa pananampalataya na nasa atin.
At sasakupin natin ang lunsod ng Zarahemla, upang tayo ay makakuha ng marami pang pagkain na maipadadala kina Lehi at Tiankum; oo, sasalakayin natin sila sa lakas ng Panginoon, at wawakasan natin ang labis na kasamaang ito.
Kaya nga, mabilis kang magtungo sa akin, kasama ang ilan sa iyong mga tauhan, at iwanan ang nalalabi sa pamumuno nina Lehi at Tiankum; bigyan mo sila ng kapangyarihan na magpalakad sa digmaan sa bahaging iyan ng lupain, alinsunod sa Espiritu ng Diyos, na diwa rin ng kalayaan na nasa kanila.
At ito ay nangyari na, na sina Moroni at Pahoran ay bumaba kasama ang kanilang mga hukbo patungo sa lupain ng Zarahemla, at sinalakay ang lunsod, at hinarap ang mga tauhan ni Pacos, hanggang sa sila ay nakipagdigma. At masdan, si Pacos ay napatay at ang kanyang mga tauhan ay mga dinalang bihag, at si Pahoran ay ibinalik sa kanyang hukumang-luklukan.
At tinanggap ng mga tauhan ni Pacos ang kanilang hatol, alinsunod sa batas, at gayon din ang mga yaong king-men na nadakip at itinapon sa bilangguan; at sila ay pinarusahan alinsunod sa batas; oo, ang mga tauhang yaon ni Pacos at yaong mga king-men, kung sinuman ang hindi hahawak ng kanilang mga sandata sa pagtatanggol ng kanilang bayan, kundi lalabanan ito, ay ipinapatay.
At sa gayon kinailangan na ang batas na ito ay mahigpit na ipatupad para sa kaligtasan ng kanilang bayan; oo, at kung sinuman ang matagpuang tinatanggihan ang kanilang kalayaan ay kaagad na pinarurusahan alinsunod sa batas.
At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi; matapos maibalik nina Moroni at Pahoran ang kapayapaan sa lupain ng Zarahemla, sa kanilang sariling mga tao, matapos ipataw ang kamatayan sa lahat ng yaong hindi tapat sa layunin ng kalayaan.
At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikatatlumpu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, si Moroni ay kaagad nag-utos na magpadala ng mga pagkain, at isang hukbo rin ng anim na libong tauhan ay ipinadala kay Helaman, upang matulungan siya na pangalagaan ang bahaging yaon ng lupain.
At iniutos din niya na isang hukbo ng anim na libong tauhan, na may sapat na dami ng pagkain, ay ipadala sa mga hukbo nina Lehi at Tiankum. At ito ay nangyari na, na ito ay ginawa upang mapatibay ang lupain laban sa mga Lamanita.