Si Moroni at Teancum sa Dayag Silangan

Mga Muog ng Bountiful

Alma 53:1

Ang mga bihag ng digmaan ay kinuha upang ilibing ang mga katawan ng mga yaong namatay sa labanan.

At ito ay nangyari na, na sila ay nagtalaga ng mga bantay sa mga bihag na mga Lamanita, at pinilit silang humayo at ilibing ang kanilang mga patay, oo, at ang mga patay rin ng mga Nephita na nasawi; at si Moroni ay nagtalaga ng mga tauhan upang bantayan sila habang ginagawa nila ang kanilang mga gawain.

Alma 53:3–5

Matapos mailibing ang lahat ng mga katawan, ang mga bilanggong Lamanita ay pinagawa upang magtayo ng mga malalaking muog na pumapalibot sa lunsod ng Masagana kasama ang malahiganteng tagaytay ng lupa at mga kahoy.

At ito ay nangyari na, na matapos mailibing ng mga Lamanita ang kanilang mga patay at ang mga patay rin ng mga Nephita, ay pinalakad sila pabalik sa lupaing Masagana; at si Tiankum, sa mga utos ni Moroni, ay nag-utos na magsimula silang gumawa sa paghuhukay ng mga bambang sa paligid ng lupain, o ng lunsod, ng Masagana.

At iniutos niya na magtayo sila ng muog na kahoy sa loob ng pampang ng bambang; at sila ay nagtambak ng lupa ng bambang sa muog na kahoy; at sa gayon nila pinagawa ang mga Lamanita hanggang sa mapaligiran nila ang lunsod ng Masagana ng matatag na muog na kahoy at lupa, nang napakataas.

At ang lunsod na ito ay naging napakatibay na muog mula noon; at sa lunsod na ito nila binantayan ang mga bihag na mga Lamanita; oo, maging sa loob ng muog na kanilang iniutos sa kanila na itayo sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay. Ngayon, si Moroni ay napilitang utusan ang mga Lamanita na gumawa, dahil sa madali silang bantayan habang nasa kanilang gawain; at kailangan niya ang lahat ng kanyang lakas kapag siya ay gagawa ng pagsalakay sa mga Lamanita.

Alma 53:2

Si Moroni, na nagtitiwala kay Lehi, ay itinalaga si Lehi upang mamuno sa lunsod ng Mulek.

At si Moroni ay nagtungo sa lunsod ng Mulek na kasama si Lehi, at kinuha ang pamumuno ng lunsod at ibinigay ito kay Lehi. Ngayon masdan, ang Lehi na ito ay isang lalaking nakasama ni Moroni sa malaking bahagi ng lahat ng kanyang pakikidigma; at siya ay lalaking natutulad kay Moroni, at sila ay nagagalak sa kaligtasan ng bawat isa; oo, sila ay nagmamahalan sa isa’t isa, at minamahal din ng lahat ng tao ni Nephi.

Alma 53:6–7

Nang masiguro ang kaligtasan ng Mulek at nasakop ang malaking bahagi ng puwersa ng mga Lamanita, si Moroni ay nagsimula na magsagawa ng mga karagdagang paghahanda para sa digmaan.

At ito ay nangyari na, na si Moroni ay nagtamo ng tagumpay sa isa sa pinakamalakas na mga hukbo ng mga Lamanita, at nabawi ang pag-aari ng lunsod ng Mulek, na isa sa pinakamalakas na muog ng mga Lamanita sa lupain ng Nephi; at sa gayon din siya nakapagtayo ng muog upang mabantayan ang kanyang mga bihag.

At ito ay nangyari na, na hindi na siya nangahas pang makidigma sa mga Lamanita sa taong yaon, kundi pinagawa niya ang kanyang mga tauhan sa paghahanda para sa digmaan, oo, at sa paggawa ng mga muog upang magbantay laban sa mga Lamanita, oo, at sa pagliligtas din ng kanilang kababaihan at kanilang mga anak mula sa taggutom at paghihirap, at paglalaan ng pagkain para sa kanilang mga hukbo.