At ngayon, ito ay nangyari na, na sa ikadalawampu at anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, masdan, nang magising ang mga Lamanita sa unang umaga ng unang buwan, masdan, natagpuan nilang patay na si Amalikeo sa kanyang sariling tolda; at nakita rin nilang nakahanda na si Tiankum na makidigma sa kanila sa araw na yaon.
At ngayon, nang makita ito ng mga Lamanita sila ay natakot; at tinalikdan nila ang kanilang balak na paghayo sa lupaing kahilagaan, at umurong ang kanilang buong hukbo patungo sa lunsod ng Mulek, at naghanap ng kaligtasan sa kanilang mga muog.
At ito ay nangyari na, na ang kapatid ni Amalikeo ay hinirang na maging hari ng mga tao; at ang kanyang pangalan ay Amoron; sa gayon si haring Amoron, ang kapatid ni haring Amalikeo, ay hinirang na maging hari bilang kanyang kahalili.
At ito ay nangyari na, na iniutos niyang pangalagaan ng kanyang mga tao ang mga lunsod na yaon, na nasakop nila sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo; sapagkat wala silang nasakop na anumang lunsod maliban sa sila ay nagpadanak ng maraming dugo.
At ngayon, nakita ni Tiankum na ang mga Lamanita ay nagtikang pangalagaan ang mga lunsod na yaon na kanilang nasakop, at yaong mga bahagi ng lupain na kanilang naangkin; at nakikita rin ang kalakihan ng kanilang bilang, inakala ni Tiankum na hindi nila nararapat subukang salakayin sila sa kanilang mga muog.
Subalit pinanatili niya ang kanyang mga tauhan sa paligid, na tila bagang naghahanda para sa pakikidigma; oo, at tunay siya ay naghahandang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa kanila, sa pamamagitan ng paggawa ng mga muog sa paligid at paghahanda ng mga lugar na makukublihan. At ito ay nangyari na, na siya ay nagpatuloy sa gayong paghahanda para sa digmaan hanggang sa si Moroni ay nagpadala ng malaking bilang ng mga tauhan upang palakasin ang kanyang hukbo.
At si Moroni ay nagpadala rin ng mga utos sa kanya na nararapat niyang bantayan ang lahat ng bihag na nahulog sa kanyang mga kamay; sapagkat ang mga Lamanita ay nakakuha ng maraming bihag, na bantayan niya ang lahat ng bihag na mga Lamanita bilang pantubos sa mga yaong nadakip ng mga Lamanita.
At siya ay nagpadala rin ng mga utos sa kanya na nararapat niyang patibayin ang lupaing Masagana, at pangalagaan ang makitid na daanan na tumutuloy sa lupaing kahilagaan, na baka makuha ng mga Lamanita ang dakong yaon at magkaroon ng lakas upang ligaligin sila sa lahat ng panig.
At si Moroni ay nagpasabi rin sa kanya, hinihiling sa kanya na maging matapat siya sa pangangalaga sa bahaging yaon ng lupain, at gamitin niya ang bawat pagkakataon upang bagabagin ang mga Lamanita sa bahaging yaon, sa abot ng kanyang makakaya, na baka sakaling muli niyang makuha sa pamamagitan ng pakana o sa iba pang paraan ang mga yaong lunsod na nakuha mula sa kanilang mga kamay; at na patitibayin din niya at palalakasin ang mga lunsod sa paligid, na hindi nahulog sa mga kamay ng mga Lamanita. At sinabi rin niya sa kanya,
Magtutungo ako riyan sa iyo, subalit masdan, sinalakay kami ng mga Lamanita sa mga hangganan ng lupain sa may kanlurang dagat; at masdan, lalabanan ko sila, kaya nga hindi ako maaaring magtungo riyan sa iyo.
Ngayon, ang hari (si Amoron) ay lumisan sa lupain ng Zarahemla, at ipinaalam sa reyna ang hinggil sa pagkamatay ng kanyang kapatid, at nangalap ng malaking bilang ng mga tauhan, at humayo laban sa mga Nephita sa mga hangganan sa may kanlurang dagat.
At sa gayon niya sinisikap na ligaligin ang mga Nephita, at ipagtabuyan ang ilang bahagi ng kanilang mga hukbo sa bahaging yaon ng lupain, habang inutusan niya ang mga yaong kanyang iniwanan na angkinin ang mga lunsod na kanyang nasakop, nang maligalig din nila ang mga Nephita sa mga hangganan ng silangang dagat, at angkinin ang kanilang mga lupain hangga’t makakaya nila, alinsunod sa lakas ng kanilang mga hukbo.
At sa gayon ang mga Nephita ay nasa mga mapanganib na katayuang yaon sa pagtatapos ng ikadalawampu at anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.