Masdan, ito ay nangyari na, na habang nasa gayong pagwasak si Moroni ng mga digmaan at alitan sa kanyang sariling mga tao, at pinasasailalim sila sa kapayapaan at kabihasnan, at gumagawa ng mga alituntunin sa paghahanda para sa digmaan laban sa mga Lamanita, masdan, ang mga Lamanita ay nakarating sa lupain ng Moroni, na nasa mga hangganan sa may dalampasigan. At ito ay nangyari na, na ang lakas ng mga Nephita ay hindi sapat sa lunsod ng Moroni; kaya nga naitaboy sila ni Amalikeo, na marami ang pinagpapapatay. At ito ay nangyari na, na inangkin ni Amalikeo ang lunsod, oo, inangkin ang lahat ng kanilang mga muog.
At yaong mga nagsitakas sa lunsod ng Moroni ay nagtungo sa lunsod ng Nefihas; at ang mga tao rin ng lunsod ng Lehi ay sama-samang tinipon ang kanilang sarili at gumawa ng mga paghahanda at nakahandang harapin ang mga Lamanita upang makidigma. Subalit ito ay nangyari na, na tumangging pahintulutan ni Amalikeo ang mga Lamanita na sumalakay sa lunsod ng Nefihas upang makidigma, kundi pinanatili sila sa may dalampasigan, nag-iiwan ng mga tauhan sa bawat lunsod upang pangalagaan at ipagtanggol ito.
At sa gayon siya nagpatuloy, nag-aangkin ng maraming lunsod, ang lunsod ng Nefihas, at ang lunsod ng Lehi, at ang lunsod ng Morianton, at ang lunsod ng Omner, at ang lunsod ng Gid, at ang lunsod ng Mulek, ang lahat ng ito ay nasa silangang hangganan sa may dalampasigan.
At sa gayon nakakuha ang mga Lamanita, sa pamamagitan ng katusuhan ni Amalikeo, ng napakaraming lunsod, sa pamamagitan ng kanilang di mabilang na hukbo, ang lahat ng ito ay labis na pinatibay alinsunod sa tanggulan ni Moroni; ang lahat ng ito ay nakapagbigay ng muog para sa mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na sila ay humayo sa mga hangganan ng lupain ng Masagana, itinataboy ang mga Nephita sa harapan nila at pinapatay ang marami. At ito ay nangyari na, na sila ay hinarap ni Tiankum, na siyang pumatay kay Morianton at hinadlangan ang kanyang mga tao sa kanyang pagtakas. At ito ay nangyari na, na inunahan din niya si Amalikeo, habang siya ay humahayo kasama ang kanyang napakalaking hukbo upang maangkin niya ang lupaing Masagana, at ang lupain din sa kahilagaan.
Subalit masdan, siya ay nagdanas ng kabiguan dahil sa pagtataboy na ginawa ni Tiankum at ng kanyang mga tauhan, sapagkat sila ay mahuhusay na mandirigma; sapagkat bawat tauhan ni Tiankum ay nakahihigit sa mga Lamanita sa kanilang lakas at sa kanilang kasanayan sa digmaan, kung kaya nga’t sila ay nagtamo ng kalamangan sa mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na kanilang niligalig sila, hanggang sa kanilang pinagpapatay sila maging hanggang sa magdilim. At ito ay nangyari na, na si Tiankum at ang kanyang mga tauhan ay nagtayo ng kanilang mga tolda sa mga hangganan ng lupain ng Masagana; at si Amalikeo ay nagtayo ng kanyang mga tolda sa mga hangganan sa may baybay ng dalampasigan, at sa gayong pamamaraan sila naitaboy.
At ito ay nangyari na, nang sumapit ang gabi, si Tiankum at ang kanyang tagapagsilbi ay palihim na umalis nang gumabi, at nagtungo sa kuta ni Amalikeo; at masdan, sila ay nadaig ng antok dahil sa kanilang labis na pagkapagod, na sanhi ng mga gawain at init ng araw.
At ito ay nangyari na, na si Tiankum ay palihim na nagtungo sa tolda ng hari, at tinuhog ng sibat ang kanyang puso; at madali niyang napatay ang hari kung kaya’t hindi niya nagising ang kanyang mga tagapagsilbi. At siya ay muling bumalik nang palihim sa kanyang sariling kuta, at masdan, ang kanyang mga tauhan ay natutulog, at kanyang ginising sila at sinabi sa kanila ang lahat ng bagay na kanyang ginawa.
At iniutos niyang maghanda ang kanyang mga hukbo, at baka ang mga Lamanita ay magising at salakayin sila. At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu at limang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi; at sa gayon nagtapos ang mga araw ni Amalikeo.